NAARESTO ang tatlong hinihinalang mga mangangalakal ng droga ng mga awtoridad, nakompiskahan ng higit sa P1 milyong halaga ng marijuana sa isinagawang anti-illegal drug operation sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 10 Hunyo.
Sa ulat na ipinadala ni P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, kay P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., Regional Director ng PRO3, nagsagawa ang mga operatiba ng Malolos CPS SDEU sa pakikipag-ugnayan sa SOU3, PNP-DEG, at PDEA 3 ng anti-illegal drug operation sa Brgy. Sumapang Matanda, sa nabanggit na lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa mga suspek na kinilalang sina Maribeth Melendez, alyas Mariz; Raffy Magpali, Jr.; at Arwin Jae Meneses, alyas Aweng.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 10 piraso ng pinagbukod na selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng dahon ng marijuana, isang disposable hand glove na naglalaman din ng tuyong dahon ng marijuana, isang improvised glass pipe na may laman na dahon ng marijuana, aabot sa siyam na kilo ang timbang at tinatayang nagkakahalaga ng P1,080,000; at P1,000 marked money na ginamit sa operasyon.
Napag-alamang nagkakalat ang tatlong suspek ng marijuana sa naturang lungsod at mga karatig-bayan, gamit na pain ang kasamang babaeng, kinilalang si alyas Mariz upang hindi mahalata ang kanilang operasyon. (MICKA BAUTISTA)