PAMBU-BULLY at paghihiganti. Ito ang pinag-uusapang kuwento sa pagbabalik-telebisyon ni Angelica Jones sa 5th anniversary presentation ng GMA 7’s Tadhana: Reunion hosted by Marian Rivera, bukas, Sabado. 3:15 p.m.
Nagmarka sa mga manonood ang karakter nina Rebecca (Elle Villanueva) at Diane (Faye Lorenzo) pero hindi rin nagpahuli ang karakter ni Ms Flawless bilang si Ester na amo ni Rebecca.
Si Ester ay isang mayamang naospital pero walang ni isa sa kanyang pamilya o kaanak ang dumalaw. Pera lang niya ang minahal sa kanya. Ang nagsakripisyo kay Ester, ang namasukang katulong na si Rebecca na biktima ng pambu-bully mula sa anak ng mayamang pamilya.
Dahil halos iisa ang masalimuot na karanasang pinagdaanan nina Rebecca at Ester, ipinangako ng huli sa una na tutulungan ito, sa pamamagitan ng paghihiganti.
Sa eksenang nabanggit, marami ang nagsabing relate na relate sa kanyang acting si Angelica. Wala nang dapat i-acting ang politician/actress dahil parang siya na sa totoong buhay na kitang-kita ang sakit na dinadala sa kanyang dibdib.
Nakaranas din kasi ng pambu-bully noong estudyante si Angie at naranasan niyang iwanan ng mga taong akala niya ay kakampi sa mundo ng politika.
Ano-ano ang natutunan niya sa character na ginampanan sa Tadhana?
“Naiiyak na naman ako tuloy. Nag-flash back po kasi sa akin ‘yong sinabunutan ako, ‘pag pumapasok ako ng CR, may vandalism. Pero hindi ako nagsumbong. Hinyaan ko na lang, isip ko para hindi na lumaki ang gulo, sinarili ko.
“May pagkakataon pa na nawala ang gamit ko, sinasabotahe ako.
“Nag-concentrate na lang ako sa studies ko, sabi ko sa sarili ko, gagalingan ko na lang. I know God is always with me. God will protect me. ‘Yung teacher na lang napagsasabihan ko ng problema. Basta I keep on praying and talking to God,” pagbabalik-tanaw Angelica.
Hindi na binanggit ni Ms Flawless ang pangalan ng classmate na nam-bully sa kanya. Sinagip niya lang ang isang kaklaseng nakaranas din ng ganito.
“Parang may problema mentally ‘yong tao, pinagtatawanan, inaaway. Nag-offer ako ng bodyguard na ipinagtanggol ko siya, comforted, at tinulungan emotionally and mentally until she regained her self-confidence.
“Natututo na rin kaming maging palaban pero hindi nakikipag-away physically kundi pinagbuti namin ang aming pag-aaral at ipinakita namin sa aming classmates na mabuti kaming tao at nakapag-focus na rin kami sa aming pag-aaral. Hindi na namin iniintindi yong mga nambubully sa amin,” sabi pani Angelica.
In real life, never naghiganti si Angelica sa mga taong nang-iwan sa kanya noong nakaraang election at matapos siyang iitsapwera ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Good thing, there are few people na nanatili sa kanyang tabi at ilan nga rito ang kanyang confidant friends na nanatiling solid ang support. Lalo ring naging matibay ang relasyon nilang mag-ina, si Mommy Beth Jones at unico hijo at brilliant na si Angelo.
Bakit hindi naghiganti si Angelica tulad ng role ni Elle sa Tadhana?
“Never akong gumanti at lalo akong ‘di susuko. ‘Yan ang pagkakilala ko sa sarili ko at dikta ng isip at puso ko. I am blessed. God is with me, so nothing and no one can destroy me,” makahulugang sagot ni Angie.
Sinabi pa ni Angie na hindi dapat kaligtaan ang finale episode ng Reunion dahil hindi lang motivating ang istorya, malaking tulong din ito kung paano maibabalik ang self-esteem.
Kasama rin sa Tadhana sina Richard Quan, Jenny Miller, Jay Arcilla, Tanya Gomez, Jon Lucas, Dior Veneracion, at Therese Tiangco.
Sa kabilang banda, tumanggap na ng ilang awards and recognitions si Angie. Ilan dito ang Maharlikang Filipino Arwards 2023 bilang Outstanding Woman of Strength and Inspiring Business Leader of the Year, Golden Awardsbilang Outstanding Civic Leader 2023, Gawad Agila bilang Most Outstanding Female Public Servant of the year, at Crystal International Women’s Awards 2023 bilang Outstanding and Inspirational Icon Women Empowerment gayundin sa Public Service 23 bilang Abogera Queen of the Night.
Sa ngayon kumukuha ng short course sa Personality Development si Angie sa Ateneo de Manila at nakapagtapos ng Bachelor’s Degree in Public Administration sa Philippine Christian University. Marami na rin siyang naipundar na negosyo at siya ang CEO ng Flawless Fresh Fragrance sa perfume industry and transport service, brand model ng 100 branches ng Derma Care at magpa-franchise rin siya ng Ms Flawless Derma Care sa Bgy. San Gabriel, San Pablo City, Laguna.
Dapat abangan din si Angie sa kanyang pag-venture sa film-making with Mommy Beth.
Ukol naman sa kanyang buhay-pag-ibig ngumiti lang ito at sinabing, “huwag na
yan!”
Malaking pasasalamat ni Angie na nakabalik na siya sa mundong gusto niya at saan siya nagsimula, ang television. Pinasasalamatan niya si Ken Chan na isa sa kapuri-puring artist na nakilala niya sa kanyang pagbabalik sa One of the Baes noong 2019-20202 sa GMA 7.
“Siya ang unang nagbigay sa akin ng Christmas gift, way back, gayundin ang aking pasasalamat sa Kapuso GMA family, si Elle, si Charlotte Dianco, ang aming head writer, Executive Producer Carlo Balaquiot and director Rommel Penesa ng ‘Tadhana.’ (Obette A. Serrano)