Lima ang patay samantalang dalawa ang sugatan nang suruin ng isang truck ang isang sports utility vehicle sa bahagi ng DRT Highway, Brgy. Sabang sa Baliwag, Bulacan kahapon ng madaling araw, Hunyo 7.
Sa ulat na ipinadala ni PLt.Colonel Juliuas Alvaro, hepe ng Baliwag City Police Station (CPS), kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang mga sugatang biktima ay kinilalang sina Geraldine Capinlac, na residente ng Llanera, Nueva Ecija; at Theresa Adio, na kapuwa nilalapatan ng lunas sa pagamutan; samantalang ang mga nasawi ay sina Miseon Kim, Park Misoon; Jonoh Kim; pawang mga taga-South Korea; Rosalinda Capinlac, na residente ng San Vicente, Llanera, Nueva Ecija at Allen Arucan Bulandos, na residente naman ng Brgy.Poblacion, Talavera, Nueva Ecija.
Ang suspek na inaresto nina Patrolman Prince Peter Paul Natividad at Patrolman Bregando Zaldivar ng Baliwag CPS ay kinilalang si PJ Calma y Salaysay, 34, na residente ng Brgy. Mangga, Candaba, Pampanga, na hindi nasugatan sa insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:00 ng madaling araw, binabagtas ng Sino Tractor Head Truck (vehicle 1) na may plakang NEG 7896 na minamaneho ni PJ Salaysay mula sa south ng Sabang, Baliwag papunta sa north direction ng Ulingao, San Rafael samantalang ang Toyota Fortuner na may plakang ABA 9886 (vehicle 2) na minamaneho ni Allen Arucan Bulandos ay mula sa north ng Ulingao, San Rafael at papunta sa direksiyon ng south ng Sabang, Baliwag.
Pagdating sa lugar ng insidente sa harap ng Cedar Ville ay biglang inokupa ng vehicle 2 ang opposite lane kung saan ang vehicle 1 ay mabis na tumatawid hanggang aksidenteng bumangga ang harapang bahagi ng vehicle 1 dito.
Ang driver at mga pasahero ng vehicle 2 ay nagtamo ng malulubhang pinsala sa katawan at kaagad isinugod sa Baliwag District Hospital subalit lima sa kanila ang idineklarang dead-on-arrival samantalang ang dalawa sa mga biktima ay patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Baliwag MPS para sa dokumentasyon at nararapat na disposisyon samantalang ang mga sangkot na sasakyan ay dinala sa impounding area. (𝙈𝙄𝘾𝙆𝘼 𝘽𝘼𝙐𝙏𝙄𝙎𝙏𝘼)