FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NABUNYAG sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) survey ang isang malungkot na katotohanan: 69 porsiyento ng mga adult Pinoy ang nahihirapang makasumpong ng trabaho. Gayonman, sa kabila ng mga pagsubok, mahigit sa kalahati ng mga sinarbey ang buo pa rin ang pag-asang magkakatrabaho sila sa susunod na 12 buwan.
Ganyan ang tipikal na Pinoy — laging positibo, binabalewala ang masaklap na realidad na totoong pahirapan sa ngayon ang paghahanap ng trabaho. Ngunit ang mga positibong sentimyentong ito ay naglalantad din sa mga Filipino sa pag-abuso ng administrasyong ito. Mayroon tayong presidente na patuloy ang pangangako tungkol sa trabaho at pagkakakitaan, kalakip ang mga boladas, upang iiwas ang sarili sa pagpapatupad ng mga desididong aksiyon na dapat ay reresolba sa sitwasyon.
Panahon nang maalimpungatan ang mga opisyal ng gobyerno mula sa pagkakatulog sa pansitan at solusyonan ang problema ng mga walang trabaho, ng mga kapos ang kinikita, at ng mga kakapiranggot ang sahod. Aksiyon ang hinihiling ng Trade Union Congress — upang ang walang kasiguruhang pagkakakitaan ay maging mga permanente at disenteng trabaho.
Kung tutuusin, ‘yun naman talaga ang ipinangako ni Marcos Junior noong nangangampanya siya, o baka naman kaya nakalimot na siya agad?
Kalimutan na ang Kuwait
Hindi pa napapatunayan ni President Junior ang kanyang sarili bilang kampeon ng karapatan ng mga manggagawa simula nang maluklok siya sa Malacañang. Halata naman ito kahit sa pagtugon niya sa mga pinagdaraanan ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs) sa lupain ng mga disyerto at kriminalidad.
Kamakailan, nang nagpatupad ang Kuwait ng visa ban sa mga manggagawang Filipino, naging maingat si BBM sa pagbibigay ng reaksiyon sa isyu at mistulang “ipinag-alukan pa ang kabilang pisngi” sa takot “[to] burn any bridges,” sabi niya.
Buti na lamang at sa Kamara, nariyan si Pangasinan Rep. Rachel Arenas, na pikon na sa diplomatic circus na ito, at wala siyang takot na ipahayag ito. Matapang niyang idineklara na ang munting power play ng Kuwait ay isang pipitsuging pagtatangka nitong puwersahin ang gobyerno ng Filipinas na bawiin ang deployment ban sa mga first-time household workers doon.
At bakit naman hindi ito gagawin ng Maynila, pagkatapos ng nangyari sa OFW na si Jullebee Ranara, na ang sunog na bangkay, na kagagawan ng anak na lalaki ng kanyang amo, ay nadiskubreng itinapon sa disyerto, o kay Joan Demafelis, na ang bangkay ay ipinagsiksikan sa isang freezer sa loob ng isang apartment sa Kuwait City noong 2018?
Importante ang mga susunod na hakbangin ng gobyerno ng Filipinas sa pagbibigay ng proteksiyon sa ating OFWs mula sa mga kahindik-hindik na krimeng ito. Isaisip sana ito ni Marcos Junior at tigilan na ang pagpapaasa na magiging maayos pa ang ugnayan sa pagitan ng Kuwait at Filipinas.
Mga barangay na nilason na ng droga
Inianunsiyo ni Gen. Benjamin Acorda na tinututukan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang aabot sa 430 opisyal ng barangay na sangkot umano sa bentahan ng ilegal na droga. Ang dating ay para bang ipinagmamalaki ng PNP Chief ang nadiskubre niyang ito o ang pagtugaygay niya sa mga tiwaling opisyal ng barangay na ito ay isa nang tagumpay na dapat lang papurihan.
Ang katotohanan, nakadedesmaya ito! Ilang buwan na lang at lalarga na ang halalang pambarangay.
Mainam na ikonsidera natin ang mungkahi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr., na isailalim sa mandatory drug test ang mga kakandidato.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.