Umiskor ng matagumpay na operasyon ang pulisya sa Bulacan nang mahulog sa kanilang mga kamay ang most wanted person sa bayan ng Balagtas, na kabilang sa 24 pang naaresto sa lalawigan kamakalawa.
Ayon sa ulat na isinumite kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, si Raymond Manlapaz, 33, negosyante mula sa Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan, ay nadakip ng mga elemento mula sa Balagtas MPS.
Si Manlapaz ay nakatala bilang ‘additional Most Wanted Person’ ng Bulacan sa municipal level, at wanted para sa krimen na sexual abuse sa ilalim ng Sec 5 (B) ng RA 7610) (2 counts).
Kamakalawa rin, ang mga operatiba ng Bulacan 1st PMFC, Norzagaray, Marilao, Pandi, Guiguinto, at San Miguel MPS ay arestado ang walo ( 8 ) pang wanted person sa iba’t-ibang krimen at paglabag sa batas.
Isinagawa ng mga awtoridad ang pagdakip sa mga akusado matapos na ang korte ay mag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanila.
Sa pagresponde naman ng mga tauhan ng Bustos at San Miguel MPS sa mga insidente ng krimen sa kanilang nasasakupan ay nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong indibiduwal.
Si Alyas Momon ay arestado para sa krimen na R.A. 9262 (physical abuse), samantalang si Joey Capino at Az Dela Cruz ay nadakip para sa mga krimeng theft at paglabag sa R.A. 10591 (illegal possession of firearms).
Samantala, ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bustos, Calumpit, SJDM, Marilao, Angat, at Malolos C/MPS ay nagkasa ng mga serye ng drug sting operations, na nagresulta sa pagkaaresto ng sampung (10) personalidad sa droga.
Ang operasyon ay nagbigay-daan sa pagkakumpiska ng 26 na pakete ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalia, at marked money.
Ang mga arestadong suspek ay nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal na inihahanda na para isampa sa korte.(Micka Bautista)