HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY ilan pa raw remnants, ibig sabihin mga naiwang eksena doon sa When I Met You in Tokyo na tinatapos pa nina Ate Vi (Ms. Vilma Santos) at Christopher de Leon dito atin. Mga interior shot na lang naman dahil ang lahat ng exterior ay natapos nila sa Japan.
“Ilang araw na lang din naman ito,” sabi ni Ate Vi. Una kasi minadali rin nila ang lahat ng shooting nila sa Japan dahil iba ang temperatura roon. Limitado rin ang araw ng kanilang permit to shoot. Natatakot din silang abutin na naman ng higpitan sa Japan dahil sa mga kaso ng Covid.
“Isa pa, napaka-expensive sa Tokyo, para bang lahat ng bibilhin mo ginto. Kaya sabi nga namin iyong ibang interior sa Pilipinas na lang kunan,” pagkukuwento pa ni Ate Vi.
Gusto na rin naman ni Ate Vi na matapos ang shoot sa pelikulang iyan para mapaghandaan naman niya ang kasunod na gagawin. Simula noong mag-shooting siya ulit, bumabaha na naman ang scripts niya sa bahay at bawat isa’y umaasa ngang iyon ang mapipiling gawin ng Star for all Seasons. Alam naman kasi ninyo si Ate Vi, basta gumawa ng pelikula, tiyak patok sa takilya, hindi kinakabahan ang producers.