Labing-isang indibiduwal ang sunod-sunod na naaresto ng Bulacan police sa isinagawang operasyon sa lalawigan hanggang kahapon ng umaga.
Sa ulat mula sa San Rafael Municipal Police Station (MPS) kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, arestado ang drug peddler na kinilalang si Edgar Vitug sa Brgy. Ulingao, San Rafael.
Si Vitug na nakatala sa PNP drug watchlist ay nadakip sa ikinasang buy-bust operation at nakumpiska sa kanyang posesyon ang limang pakete ng pinaghihinalaang shabu.
Kasunod nito ay tatlo pang drug peddlers ang arestado ng Marilao, Guiguinto at Baliwag drug enforcement units kung saan ay nakumpiska sa kanila ang labing-apat na pakete ng pinaniniwalaang shabu.
Ang mga naarestong suspek sa droga ay nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Act of 2002 (RA 9165) para sa pagbebenta at paggamit ng iligal na droga.
Samantala, dalawa namang indibiduwal ang sinilbihan ng warrants of arrest na mula sa korte ng tracker team ng Bulacan 1st PMFC at Meycauayan CPS kahapon.
Kinilala ang mga ito na sina Mark Modrigo para sa paglabag sa Sec. 48 ng RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000), at Felix Nathaniel Barrientos para naman sa paglabag sa Section 5(b) ng R.A. 7610 (3 counts).
Gayundin, apat na may paglabag sa umiiral na Philippine Gambling Laws (PD 1602) ang inaresto ng mga tauhan ng Meycauayan CPS sa Sitio Balaongan, Barangay Pantoc, Meycauayan City kahapon ng umaga.
Sina Romel Lustre, Marvin Cotacte, Sanny Taloza at Roderick Ferrer ay arestado matapos maaktuhan habang nasa kainitan ang pagsusugal ng Lucky 9.
Ayon kay PD Arnedo, ang Bulacan police ay lalong paiigtingin ang kampanya laban sa lahat ng iligal na sugal upang maiwasan ang iba na masangkot mula sa kahalintulad na aktibidades.(Micka Bautista)