FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
TILA walang katapusan ang pagpapalabas ng Department of Agriculture (DA) ng mga kuwestiyonableng memo, at sa pagkakataong ito ay naging kahina-hinala naman sa pagpupumilit na bumili at mamahagi ng biofertilizers sa mga nagtatanim ng palay. Layunin ng Memorandum Order (MO) No. 32, na ipinalabas ni Undersecretary Leocadio Sebastian, na isulong ang paggamit ng biofertilizers bilang mas matipid daw na alternatibo sa urea fertilizer.
Pero ang kapakanan nga ba ng mga magsasaka ang iniintindi ng DA sa usaping ito, o baka naman may kalokohang nagaganap?
Duda si Rosendo So, namumuno sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa timing ng memo dahil nangalahati pa nga raw ang ibinaba ng presyo ng mga pataba sa ngayon. Sa katunayan, naniniwala siyang overpriced ang biofertilizer na iginigiit ng DA sa halagang P2,000 bawat bag kompara sa iniaalok ng University of Philippines Los Baños na P500.
Sa kabila ng argumento ng SINAG na ang urea — ang pinaka-concentrated solid nitrogen fertilizer na pinipiling gamitin ng mga magsasaka — ay nananatiling mas mura kaysa biofertilizer, ipinipilit ng DA na malaki raw ang matitipid sa paggamit ng biofertilizer. Pero bakit nga ba igigiit ang biofertilizers kung nabawasan na nga nang kalahati ang presyo ng urea? At bakit hindi na lang bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na mamili kung urea o biofertilizer ang gagamitin nila sa pamamagitan ng pamamahagi ng vouchers sa halip na mamigay ng fertilizer bags?
Ipinagtataka rin ito ni Sen. Risa Hontiveros kaya naghain siya ng inquiry. Sana ay magkaharap sa Senado sina So at Sebastian upang mabunyag ang katotohanan at nang maiwasan ang panibago na namang big-time fertilizer scam na bumulaga sa atin 20 taon na ang nakalipas.
Sa maraming kapalpakang nangyayari sa partikular na kagawarang ito ng gobyerno, marahil isang araw ay tama lang na akuin ng Pangulo, na iginigiit pamunuan ang DA, ang mga paninisi sa pagpapahamak sa kanyang sarili.
Markado ng limang buoys
Sa kabila ng walang kapagurang pananakop ng China sa ating soberanyang teritoryo sa West Philippine Sea, lakas-loob at buong pagmamahal sa bayan na minarkahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tunay na pagmamay-ari natin. Ang paglalagay kamakailan ng mga navigational buoys sa mahahalagang lokasyon sa WPS, kompleto sa watawat ng Filipinas, ay sumisimbolo sa hindi nagmamaliw na pagpupursige ng bansa na protektahan ang mga hanggahan at yaman sa ating karagatan, na nakatutulong matiyak ang kaligtasan ng kalakalang pandagat.
Bagamat sinasabi ng ilan na hindi magagawang pigilan ng mga buoys na ito ang agresibong mga gawain ng China, isang hakbang ito sa paninindigan sa ating soberanya at pagbibigay-proteksiyon sa ating pambansang interes, lalo sa ating exclusive economic zone (EEZ). Isa rin itong paalala na hindi tayo natitinag at patuloy na paninindigan ang ating ipinaglalaban kontra sa anumang banta sa integridad ng ating mga teritoryo.
Nakakatuwa rin malaman na mino-monitor ng PCG ang umano’y mga Chinese militia vessels na naka-estasyon sa mga bahagi ng karagatang inaangkin ng Filipinas, nagsisilbing tagapagpatupad ng batas sa isang paraang hindi agresibo. Ipinapakita nitong kaya nating depensahan ang ating soberanya sa paraang diplomatiko.
Maaaring isa lamang tayong maliit na bansa, pero buo ang ating loob at hindi patitinag. Ito ang mensaheng ipinararating natin ngayon sa mundo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.