Sa isinagawang kampanya laban sa krimen ay inaresto ng pulisya ang isang lalaki matapos ireklamo sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa kanilang lugar sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.
Nakasaad sa ipinadalang ulat kay Police Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, na dakong ala-1:00 ng hapon, ang SWAT Team ng SJDM CPS ay mabilis na rumisponde para arestuhin si Bernard Prepose, 42, business owner.
Napag-alamang ang nasabing himpilan ng pulisya ay laging nakatatanggap ng maramihang reklamo ukol sa isang lalaki na walang pinipiling oras sa pagpaputok ng baril sa Brgy. Kaypian, SJDM City.
Mistula umanong ginawa nang libangan ng suspek ang madalas na pagpapaputok kaya ang mga residente sa lugar ay nasasakmal na ng takot na baka sila ay tamaan ng ligaw na bala.
Matapos arestuhin ng mga awtoridad ang suspek na hindi na nagawang makapanlaban ay nakumpiska sa kanya ang isang caliber .45 pistol, dalawang magazines, apat na bala at dalawang fired cartridge cases.
Kasalukuyang nasa custodial facility ng SJDM CPS ang suspek na nahaharap sa mga kasong alarm and scandal at iligal na pag-iingat ng baril. (Micka Bautista)