HATAWAN
ni Ed de Leon
MABIGAT na akusasyon ang binitiwan ni Sen. Tito Sotto na ang dahilan daw ng kaguluhan ngayon sa Eat Bulaga ay “inggit” lang sa dati nilang producer na si Tony Tuviera. Ito umano ay dahil sa pagpapatayo ni Tuviera ng APT Studios na siyang ginagamit at inuupahan ng Eat Bulaga ngayon.
Ang katuwiran ni Tito Sen, naisipan ni Tuviera na magpatayo ng sariling studio dahil bahagi iyon ng kanyang negosyo. Hindi lang daw naman Eat Bulaga ang gumagamit niyon kundi ilan pang mga show at ang gumagawa ng mga commercial. Kung iisipin, mabuti nga raw at naisip ni Tuviera iyon dahil dati mas malaki ang ibinabayad ng Eat Bulaga sa Broadway na ginagamit nila bilang studio.
“Nakatipid pa nga ang Tape,” sabi ni Tito Sen.
“Pero hindi nila matanggap na nagkaroon ng sariling studio si Tony. Matagal na naman ang APT. Marami na rin silang nagawang tv shows, nagpo-produce pa sila ng pelikula na kumita naman. Simula naman noon hindi bahagi ng TAPE ang APT, sariling negosyo iyon ni Tony. Puhunan niya iyon. Bakit noong umaasenso na iyong tao dahil sa sarili niyang pagsisikap pagdududahan mo?
“Nakita ko iyong report sa SEC.2021 kumita ng P213-M net, 2022 election year tambak ang commercial sa politika, imposibleng malugi ka. May report din ang finance department, sa kinita ng ‘Eat Bulaga,’ may kumuha ng P400-M na nawala, hindi na namin alam kung sino iyan, pero nawala na lang ng ganoon iyon. Tapos sasabihin mo nalulugi kaya aalisin ang mga tao. Iyong direktor mo ng 30 taon, iyong writer mo na siyang gumawa ng lahat ng magaganda at rating segments ng show papalitan mo? Ano ang dahilan?”sabi pa ni Tito Sen.