Dalawang magkapatid at kanilang pamangkin ang nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philiipine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. Pulong Matong, General Tinio, Nueva Ecija kamakalawa.
Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkabuwag ng batakan ng droga sa lugar at pagkakumpiska ng mga nakapaketeng shabu na handa na sanang ibenta ng mga suspek.
Kinilala ang magkapatid na arestadong suspek na sina Jeffrey Gutierrez y Pajarillaga alyas Jeff, 37; Janren Gutierrez y Pajarillaga, 36; at kanilang pamangkin na si Jasper Adrian Gutirrez y Manuel, 23, kapuwa mga residente ng Brgy. Pulong Matong, General Tinio.
Nakumpiska sa mga suspek ang limang piraso ng selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng shabu na humigit-kumulang sa 13 gramo at nagkakahalagang Php 88,400.00; assorted drug paraphernalia at marked money na ginamit ng undercover agent.
Ang operasyon ay ikinasa ng magkasanib na mga operatiba ng PDEA Nueva Ecija Provincial Office at ng lokal na pulisya samantalang ang mga nasamsam na iligal na droga ay dinala sa PDEA-3 Laboratory para sa forensic examination.
Kasong paglabag sa RA 9165 o lalong kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga naarestong suspek.(Micka Bautista)