Aabot sa 57 kilo ng cannabis (marijuana) na may halagang Php 6,840,000.00 ang narekober sa dalawang indibiduwal sa follow-up operation na ikinasa ng mga ahente ng PDEA Bulacan at local police sa bahagi ng Kennon Road, Brgy. Camp 7, sa Benguet kamakalawa, Abril 26..
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Arnold Fabian Atonen, 27, mula sa La Trinidad, Benguet; at Daryl Collera y Comot, 27, na residente naman ng Poblacion Bakun .
Ayon sa PDEA Bulacan Team Leader, ang operasyon ay ikinasa kasunod ng matagumpay na narcotics sting noong Abril 12, 2023, na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang suspek sa Bulacan at pagkasamsam ng 15 kilo ng marijuana na may halagang Php 1,700,000.00.
Sina Atonen at Collera ay nakumpiskahan ng 57 piraso ng elongated tape-wrapped packaging na naglalaman ng humigit-kumulang sa 57 kilo ng tuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na aabot sa halagang Php 6,840,000.00.
Napag-alamang kasama sa grupo ng dalawang naaresto sina Marion Tinapen Asislo at Amado Paycao na kapuwa taga-Santol, La Union na nagbabagsak ng bult-bultong marijuana sa Bulacan na nasakote noong Abril 12.
Mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang inihahanda na ngayon laban sa mga naarestong suspek na isasampa sa korte. (Micka Bautista)