RATED R
ni Rommel Gonzales
MAY itinatago pala si Ryza Cenon.
Nadiskubre namin ang itinatagong husay ni Ryza sa pag-arte sa pelikulang Sana Muli na napanood namin sa red carpet premiere ng nabanggit na pelikula nitong Lunes, April 24 sa Cinema 3 ng SM North The Block.
Bida sina Ryza at Xian Lim sa Sana Muli na umikot sa tatlong henerasyon ng magsing-irog mula noong 1900 (Aurora at Victor), 1950 (Belen at Nicolas), at 2020 (Elly at Pepe) na ginampanan lahat ng dalawa.
Nanggulat si Ryza dahil napakahusay niya sa pelikula. Unang beses namin siyang napanood sa isang matinding role na humamon sa kakayahan niya bilang aktres.
At hindi naman binigo ni Ryza ang mga taong nanood ng Sana Muli dahil naitawid niya ang tatlong papel na ginampanan niya
sa pelikulang idinirehe ni Fifth Solomon.
Kaya kung dati ay si LJ Reyes lamang ang kinikilala bilang epektibong aktres dahil sa mga ginawa nitong mapangahas na pelikula at pagganap, ngayon ay nararapat na ring pansinin si Ryza bilang isang mahusay na artista.
Magkapanabayan sa showbiz (at magkaibigan) sina Ryza at LJ. Si Ryza ang Ultimate Female Survivor ng batch 2 ng StarStruck noong 2004 na First Princess naman si LJ.
At dahil nakabase na sa Amerika si LJ, maganda siguro kung mabigyan pa ng mas maraming matitinong proyekto si Ryza na pam-best actress.
And speaking of Fifth, palibhasa ay bata pang direktor kaya may touches ng pagiging isang Gen Z o makabagong kabataan ang maraming eksena sa pelikula.
Nahusayan kami kay Fifth dahil nagawa niyang magmukhang luma ang mga era ng 1900 at 1950 at nagawa naman niyang modernong-moderno ang taong 2060 sa bandang dulo ng pelikula.
Palabas na ngayon sa mga sinehan ang Sana Muli, mula sa Viva Films.