RATED R
ni Rommel Gonzales
SA panayam namin kamakailan kay Dina Bonnevie, binanggit namin sa aktres na isa siya sa mga itinuturing na iconic actresses sa Pilipinas.
“Wow! Thank you naman, ngayon ko lang narinig ‘yan,” ang natatawang reaksiyon ni Ms. D sa sinabi namin.
Tinanong namin siya kung ano sa tingin niya ang dahilan kung bakit nagtatagal siya sa industriya ng pelikula at telebisyon.
“Ako simple lang, siguro kasi mahal ko ‘yung trabaho ko, talagang niyakap ko and tinanggap ko ‘yung ibinigay sa aking regalo ng Panginoon.
“Kumbaga He gave me the gift of acting, parang… hindi ko kinailangan ng acting coach, bata pa ako umaarte na ako, parang I just honed my craft, parang God gave me this talent, mas hinasa ko pa, mas pinahusay ko pa.
“And then ‘yun, it’s just simple na I love what I do, so because I love what I do, inaaral ko ang script, hindi ako nale-late, I come on time, nakikibagay ako sa mga kasama ko sa set.
“Nakikihalubilo ako, iniintindi ko ang bawat miyembro ng cast, kung mayroon man isang may pinagdadaanan diyan iniintindi ko, ‘yung ganoon.
“Parang you already know that when you belong to a cast you belong to a family, this is your new family and you have to embrace kung ano man… kung ano ‘yung parang ‘unwritten rules, ‘di ba?
“Sa bawat cast mayroong unwritten rules, pero mababasa mo ‘yun eh, ‘pag nakipaghalubilo ka sa kanila, nakipag-usap, malalaman mo na, ‘Ay ito pala ang parang norm sa set, ito ang unacceptable’, and makikibagay ka roon.
“So I guess rule of thumb lang talaga, love your work and you’ll do what you need to do,” pahayag ni Dina na gumaganap na Giselle Tanyag sa top-rating series ng GMA na Abot Kamay Na Pangarap.
Ang Abot Kamay Na Pangarap ay sa direksiyon ni LA Madriejos at napapanood sa GMA Afternoon Prime.
Pinagbibidahan ito nina Jillian Ward bilang Dra. Analyn Santos at Carmina Villarroel bilang Lyneth Santos.