Kasallukuyang ginagalugad ng pulisya ang lugar na posibleng pagtaguan ng isang lalaking namaril at nakasugat ng isa matapos matalo sa sugal na pusoy sa Pandi, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na nakalap mula sa tanggapan ni PLt.Colonel Gilmore A.Wasin, acting chief of police ng Pandi Municipal Police Station (MPS), ang pinaghahanap na suspek ay kinilalang si Arnel Garcia y Castro, 32, na kasalukyang naninirahan sa Blk 1 Lot 12 Phase 5, Pandi Residences 1, Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang biktima ng pamamaril na kinilalang si Mark Philip Balterzal y Fajardo, 29, tubong Navotas City at residente ng Blk 21 Lot 21 Phase 5 Pandi Residences 1 Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Ang ikalawang biktima na hindi napuruhan at ngayon ay tumatayong testigo ay nakilalang si Felipe Baterzal y Villabrelle, 57, tubong Burias, Masbate at residente ng Blk 28 Lot 49 Phase 2 Pandi Residences 1 Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon na kamakalawa ng gabi, Abril 15, isang concerned citizen ang tumawag sa tanggapan ng Pandi MPS sa pamamagitan ng cellphone na may naganap na pamamaril sa naturang lugar.
Kaagad namang nagresponde ang mga awtoridad at sa kanilang pag-iimbestiga, ang biktima at ang suspek ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo matapos na ang huli ay matalo sa pagsusugal nila ng pusoy.
Dito na nagsalita ang suspek na “Sandali lang babalikan kita putang ina ka!!!” saka ito nagmamadaling umalis na inakala naman ng mga biktima na nananakot lamang ito.
Makaraan ang ilang minuto ay bumalik ang suspek at sa gitna ng mainit na komprontasyon ay bigla nitong binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kanang tiyan.
Matapos barilin ang unang biktima ay ang ikalawa namang biktima ang tinutukan ng suspek subalit masuwerte namang nag-jammed ang baril kaya hindi ito pumutok.
Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi pa malamang direksiyon habang ang biktima ay isinugod sa pinakamalapit na pagamutan at kalaunan ay inilipat sa Bulacan Medical Center para sa operasyong medikal.
Dalawang basyo ng bala ang nakuha ng ikalawang biktima sa lugar ng krimen na isinurender nito sa himpilan ng Pandi MPS habang patuloy ang pagtugis sa nakatakas na suspek na kakasuhan ng Frustrated Murder at Attempted Homicide. (Micka Bautista)