SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAIBALITA natin kamakailan ang paggawa ni Sen Bong Revilla ng remake ng dati nilang pelikula ng asawang si Congw Lani Mercado noon, ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. Nasabi nitong si Beauty Gonzales ang napupusuan niyang gumanap sa karakter noon ni Lani.
Noong Biyernes, kinompirma ni Beauty na may pag-uusap na ang GMA management at ang Aguila Entertainment, may hawak ng kanyang career, para sa TV series nila ni Sen. Bong.
“It’s in the talks, I hope. I’m very excited. Sana, we’ll see,” pagbabalita ni Beauty nang makapanayam ito pagkatapos ng paglulunsad sa kanya bilang kauna-unahang endorser ng Hey Pretty Skin na pag-aari ni Ms Anne Barretto at ni Red Era, CEO ng Rising Era Dynasty.
Hindi maitago ni Beauty ang excitement sa nalalapit na pakikipagtrabaho kay Sen Bong kaya nga inamin nitong nag-aaral ulit siya ng salitang Bisaya para paghandaan ang karakter niya bukod pa sa panay ang work-out niya dahil kailangang sexy siya sa series.
“Hindi tayo magpapatalo. Kailangan, slim din tayo at palaban,” anito.
Inamin din ni Beauty na pressured siya sa karakter na gagampanan dahil si Lani ang gumanap noong una.
“Kahit magkaiba, I’m quite pressured, also, kasi sobrang patok ‘yung movie nila, not only part 1, nagka-part 2 pa ‘yun.
“But, of course, I’m very happy and thankful with the cast, kasi if puwede ko na i-announce ‘yung iba kong mga kasama, iba rin ‘yung flavor ngayon. Kung puwede ko lang isigaw. Feeling ko, it will be a hit show kasi we need something to laugh, we need something to be happy, we need something na makare-relate ‘yung mga Bisaya, also. And, for Sen. Bong to open this door for me, sa mga Bisaya, I’m very proud of it.”
Bukod sa project with Sen Bong, gagawin din niya ang Stolen Life with Carla Abellana at Gabby Concepcion.
Dagdag pa rito ang bagong endorsement, ang Hey Pretty Skin kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat ni Beauty.
“Suwerte ko nga kasi bukod sa Hey Pretty Skin may iba pa na hindi pa puwedeng sabihin.
“I am so thankful with Tita Becky (her manager) kasi so many things have happened. Wala pang isang taon (na nasa pangangalaga nito).”