Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SABI, maliit na bagay pero mahalaga kung maipatutupad ang Anti-Taray Bill na isinusulong sa Senado ni Senator Raffy Tulfo, upang mabigyan ng leksiyon ang mga empleyadong masusungit na ang departamento ay humaharap sa taxpayers. Nakapila sa kumukuha ng working permits, at sa mga departamentong nagge-generate ng income sa gobyerno.
Tama si Tulfo na kanyang bibigyang pansin ang ganitong problema dahil nga ang suweldo ng matataray na empleyado ay galing sa taxpayers, at marapat lang na huwag sungitan o pagsupladahan.
Maraming kinakawawa ang mga ganitong pag-uugali ng isang empleyado kaya sisiguradohin ni Tulfo na maipasa ang bill na ito upang ‘di na makaranas ng kahihiyan ang taongbayan sa pangit na asal ng matataray na empleyado.
Tunay na totoo ‘yun Senator Tulfo, maraming ganyan partikular sa mga tanggapan ng Business Permits and Licensing Department (BPLO) sa lokal na pamahalaan. Kulang sa pasensiya at hindi pagseserbisyo ang umiiral.
Maging sa tanggapan ng LTO, maraming masusungit, nagtatanong lang nakaangil na o barabas kung sumagot.
Maging ako ay naranasan ko makatagpo ng masungit na empleyado kaso nagkamali ang empleyado dahil ang nakaharap niya ay mas mataray! Dahil ako ang nasa tama!
Payo ko sa mga empleyado, dagdagan ang pasensiya dahil nandiyan ka sa posisyon mo para magserbisyo at pinasusuweldo ka ng taxpayers. Kung wala sila, wala kang suweldo!