SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni Kylie Padilla na natakot siya dahil sa kakaibang tema ng pelikulang pinagsamahan nila ni Gerald Anderson, ang Unravel, isa sa entries sa Summer Metro Manila Film Festival entry na mapapanood simula Abril 8, 2023.
Sa press preview ng Unravel noong Miyerkoles, naibahagi ni Kylie na isang linggo siyang na-depress matapos mabasa ang script na ang tema ay ukol sa mental health.
“Natakot ako kasi sobrang dark ng subject matter. But as an actress, I step into Lucy’s point of view kaagad. And sa story niya human connection saved her life and I think dahil nga sa pinagdaraanan nilang dalawa they needed human connection.
“And after reading it (script) kahit na-anxiety ako ng isang linggo nagkaroon ako ng kaunting hope na sana ang mga manonood nito maramdaman nila na hindi sila nag-iisa and there are always a chance for a second chance in life. Just give a chance for people, other people to give that hope parang ganoon,” paliwanag ni Kylie kung bakit din niya tinanggap ang pelikula.
Idinagdag pa ni Kylie na, “Never loose hope in trying again. And I thought so much empathy in her character kaya gusto ko siyang gawin kahit natakot ako. Pero I feel like ‘yung subject matter is a good conversation starter kasi this is reality and people go through this and if we have more awareness about it if maybe open tayong pag-usapan, maybe we can save more people.”
Sinabi naman ni Gerald na, “ikinukuwento pa lang sa akin, na-fascinate na ako na gawin. Kasi as an actor hindi ko pa nata-tackle iyong ganitong kuwento, iyong ganitong character, itong ganitong journey namin, so that really excited me. So ayun just an awareness sabi nga ni direk (RC delos Reyes).
“Actually motto ko ito sa buhay na always be nice lalo na sa mga stranger na hindi natin kilala kasi hindi natin alam na may pinagdaraanan. At mayroon tayong kanya-kanyang journey sa buhay na pinagdaraanan, tulad ng nasa film na iyong pinagdaraanan ni Lucy iba sa pinagdaraanan ni Noah.
“Kanya-kanya iyan eh lahat tayo may kanya-kanyang pinagdaraanan. So just be nice, respectful, always be kind.”
Napapanahon at sensitibo ang kuwento sa pelikula na sana’y makatulong at makapulot ng aral ang sinumang manonood.
Ang Unravel ay nakatuon sa kontrobersiyal na voluntary assisted death (VAD) sa ibang bansa, lalo na ang Switzerland. Ang VAD ay isang legal na practice sa ilang mga bansa na pinapayagan ang isang tao na tapusin ang kanyang buhay basta’t makapasa sa mga kwalipikasyon.
Nakasentro ito sa kuwento ni Lucy (Kylie), isang Filipina executive na humaharap sa clinical depression. Sa kabila ng kanyang tagumpay sa napiling larangan, nagdesisyon siyang lumipad sa Switzerland para kumuha ng serbisyo ng boluntaryong pagpapakamatay.
Ngunit nagbago ang kanyang mga plano nang makilala si Noah (Gerald), isang kababayan na ang misyon ay hikayatin ang mga tao na piliing mabuhay.
Sa kanilang paglalakbay ay masasaksihan hindi lamang ang ganda ng Switzerland kundi ang tunay na ganda ng buhay at pagmamahal.
Sa kabilang banda, ang Unravel na handog ng MavX Productions na ang pinakamagandang pelikulang nagawa nina Gerald at Kylie. Nabigyan nila ng hustisya ang kanilang mga karakter bilang sina Noah at Lucy na pinagtagpo ng pagkakataon sa napakagandang Switzerland.
Pagkatapos naming mapanood ang pelikula marami ang pumuri sa galing ng dalawa kaya naman hindi napigilan ni Kylie na mapaluha nang sabihing napakagaling niya at hindi malayong makasungkit siya ng mga trophy sa next awards season.
Ang Unravel ay idinirehe ni RC delos Reyes ay isa sa 8 official entries ng kauna-unahang summer film festival na
magsisimula sa April 8 hanggang April 18. Isa ang pelikula sa tatlong offering ng Mavx para sa ika-30 anibersaryo ng Star Magic.