Sunday , December 22 2024

Magic trick sa asukal

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BATAY sa pinakahuling imbentaryo ng mga kaso na inilabas sa media noong nakalipas na linggo, 45 reklamong may kaugnayan sa pagpupuslit ng produktong agrikultural ang inihain ng Bureau of Customs laban sa iba’t ibang importers, consignees, brokers, at maging tauhan ng customs.

Binigyang-diin ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang mga pinakabagong kaso laban sa ilang sugar smugglers na isinampa sa Department of Justice (DOJ). May kinalaman ito sa 58 containers ng refined sugar sa Port of Subic; at ang 13 containers pa na dumating naman sa Manila International Container Terminal.

Palakpakan naman d’yan! Ladies and gentlemen, please lang.

         Siyempre pa, ang pinapalakpakan natin dito ay ang “slight of hand” na bahagyang nakauto sa mga hindi ganoon katitinik nilang audience. Kaya hayaan n’yong ipaliwanag ko ang nangyari.

Tagumpay na walang kasing tamis

         Ilang issues na ang nakalipas, naging galante ang Firing Line sa pagtatampok sa dalawang beses kada linggong espasyo na ito ng mga pangalan ng mga indibiduwal at kompanya na lumutang sa mga isinagawang imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng agricultural smuggling, partikular ng sibuyas at asukal.

Isa sa pinakamabusisi sa ating mga congressional sleuths ay si Sen. Risa Hontiveros, na kinuwestiyon kamakailan kung paanong nakalusot ang malaking kinikita ng tatlong ‘pinapaborang’ importer ng refined sugar mula sa Thailand.

Binibili ng P25 kada kilo mula sa kalapit bansa natin sa Southeast Asia at ibinebenta ito sa ating mga kababayang Pinoy ng P85 per kilo, ibinunyag ni Hontiveros kung paanong ang tatlong importer na ito ng asukal ay nagawang kumubra mula sa ating gobyerno ng kabuuang kita na P44 bilyon.

         Hindi ako alagad o eksperto sa batas, at marahil mas mabuti nang ganoon; dahil kung nagkataon, aarestohin, lilitisin, sesentensiyahan, at bibitayin ko ang mga traydor na negosyante dahil sa kataksilan sa bayan.

         Tinukoy ang karaniwang transaksiyon sa mga sugar importers, sinabi ng mahusay na senadora na “ang bawat importer ay may itinakdang alokasyon na 10,000 hanggang 20,000 metriko tonelada.” Pero sa bulto ng asukal na ipinasok sa bansa ng tatlong talentadong importers, tinaya ni Hontiveros na nasagad na nila ang 440,000 metriko tonelada (MT) ng imported sugar na pinahihintulutan sa Sugar Order No. 6 ng pamahalaan!

Mismong ang Department of Agriculture – na pinamumunuan ng ating President No. 17 – ang nagpatunay sa mga ito gamit ang kanilang records: All Asian Countertrade, 240,000 MT; Edison Lee Marketing, 100,000 MT; at S&D Sucden Philippines, 100,000 MT. Hindi ba lantaran na nilang pinatay ang merkado no’n?!

Iniligaw sa tunay na isyu

At ngayon, mas malinaw na marahil sa inyo kung ano ang “slight of hand” na sarkastiko kong pinapalakpakan sa kolum na ito. Ang pagmamayabang ng BoC sa mga kasong inihain nito laban sa mga importer ng asukal ay pinagmumukhang astig na galawan.

         Pero kung ikokonsidera ang lahat ng aspekto, ang dating sa akin, ang mga kinasuhang importers ay pawang mga kuneho at kalapati lang na iniluwa ng magic hat. Parte lamang sila ng magic trick para mailigaw ang publiko at mailusot ang malalaking isda.

Nai-imagine ko na ang mararamdamang pagkadesmaya ni Sen. Hontiveros. Lalo na’t mismong si Agriculture Senior Secretary Domingo Panganiban na ang umamin na pinili niya ang tinatawag niyang ‘tatlong kalipikadong kompanya’ upang apurahin ang pag-aangkat ng asukal, sa utos ni President No. 17.

         Ang saklap lang na tayong mga Filipino ay kapareho lang ng audience na nagbabayad ng ticket para sa isang magic show. Pinanood natin ang magic, natigilan nang mamangha, ‘tsaka buong siglang pumalakpak. Pero kung isang tulad ni Sen. Risa, halimbawa, ang umeksena sa entablado para ibuking sa lahat na ang ‘magic’ ay pang-uuto lamang — baka mapa-exit na lang tayo. Trick justified!

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …