Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
HINDI naparalisa at nabigong makakuha ng malaking suporta ang grupong MANIBELA at PISTON dahil maraming driver ang nag-alala kung saan kukuha ng ipangpapakain sa kanilang pamilya. In short, hindi kakayanin ang isang linggong walang pagkakataong kumita.
Kung sana raw ay may isang linggong ayuda na pantawid-gutom ang mga driver baka sakali pang sumama ang mga hindi nakilahok sa transport strikes.
‘Yung isang araw lang ‘di pumasada ang mga jeepney driver ay gutom na kinabukasan kaya imposibleng mangyari na magkaisa lahat ng mga driver at operator na umaasa sa boundary ng kanilang mga driver.
May puntos ang pamahalaan na gawing moderno ang public vehicles at ipinangako ni BBM na walang driver na mawawalan ng trabaho. Abangan!
MAG-INGAT SA GCASH
E-WALLET PLATFORM
Marami na ang nagrereklamo sa pagkawala ng kanilang pera sa GCash kaya ako, agad ko inililipat o bank transfer dahil kung may ATM card ka makikita naman doon kung pumasok o hindi pati na ang work activity ng GCash.
Maging maingat din at ‘wag ipamimigay ‘yung OTP, delikado. ‘Yun nga lang hingin ang password ‘di ko pinapatulan.
Thru GCash, nagpa-load ako ng P500 para sa aking RFID ngunit ilang araw na ang lumipas hindi pumasok ang load ko, patungo akong Cavite.
Kaya bayad ako ng cash pero may kopya ako ng reference no. P512 ang total na nabawas sa GCash ko… asan na ‘yung load. Missing o nanakaw?
Letse kasi na pinairal iyang RFID system, daming kapalpakan, humakot lang ng pera.
‘Di ka puwede mag-load ng hindi P500 kaya ‘yung mga taxi driver nagtitiyagang magbayad at pumila sa Cash section.
Kung minsan, mas mahaba ang pila ng sasakyan sa RFID kasi tagal basahin ang mga ikinabit na sticker.
Buti na lang sa bahaging Coastal ay tatlong daanan ang binubuksan, kapag overloaded o mahaba na ang pila.