HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG aalis nga ba ang Tito, Vic and Joey sa Eat Bulaga, lilipat kaya sila sa isang bagong noontime show? Ang isa pang tinatanong nila, ano nga ba ang mangyayari sa show kung totoo ngang aalis ang TVJ?
Kung kami ay kabilang sa TVJ at totoo ngang apektado kami ng sinasabi nilang “rebranding” ng Eat Bulaga, baka nga sabayan na naming magretiro si Tony Tuviera. Totoo, ngayon pa lang ay napakarami nilang offers para sa isang bagong noontime show at iyong mga dating kasama nila sa show, tiyak na sasama rin sa kanila dahil sumikat naman ang mga iyon dahil sa kanila.
Una, kung pag-aaralan ngayon ang takbo ng broadcast industry parang mahirap makipaglaban sa GMA 7, dahil sila lamang ang nananatiling may malakas na broadcast power. Ang full power capacity ng GMA ay 150KW, bukod nga sa katotohanang mayroon silang 91 provincial stations at relay. Sa ngayon ang pinakamalakas nilang kalaban ay mayroon lamang 30KW at sampung provincial relay. Iyong inaasahan nilang kalaban ng GMA, ang ABS-CBN ay wala namang prangkisa at mukhang malabo pang makabalik iyon sa free tv. Kung iyong pinakamalakas nilang kalaban ay hindi nga halos maka-ariba, eh lalo na ang isang bagong show na sa isang mahinang estasyon din naman papasok.
Kaya nga kung kami, tutal magaganda na naman ang buhay nila sa ngayon, medyo magpapahinga na muna kami sa showbusiness at pananatliin na naming isang legend kung ano man ang naabot na namin sa aming career na mahirap nang pantayan ng iba.
Ang Eat Bulaga ay isang world record holder dahil sa pagtagal on the air ng 44 years at napanatili nila iyong number one sa
loob ng panahong iyon. Medyo mababawasan ang kanyang kredibilidad kung papasok sila sa isang show na hindi magiging kasing lakas at hindi aabot ng singtagal ng Eat Bulaga na imposible na rin naman.
Pero sana maayos nila nang maganda ang kalalabasan.