HATAWAN
ni Ed de Leon
SABAY-SABAY pa ang mga artista ng mga pelikulang makakalaban ng Martyr or Murderer sa psagsasabing hindi sila magpapadirehe sa pelikula kay direk Darryl Yap. Ewan kung bakit sagad sa langit ang
pagkamuhi nila kay Yap na hindi pa naman nila nakakasama sa pelikula.
Isa pa, natanong na ba naman si Yap kung kukunin sila niyong artista sa kanyang pelikula? Sa nakikita kasi namin, ang kinukuha ni Darryl sa kanyang mga pelikula ay artistang nakakahakot ng tao sa takilya, o mga baguhan man, iyong may potential talaga. Hindi naman siya kumukuha niyong mga galing na sa flop na mga pelikula eh, kaya bakit naman nila iisiping kukunin sila niyon?
Ang masakit, nagkakalat sila ng paninira at pagkamuhi para lamang mapag-usapan sila at baka mapansin ang kanilang pelikula. Pero sino ba ang manonood ng isang pelikula na sa simula pa lang ang ginagamit sa promo ay paninira at pagkamuhi?
Marami nang paninirang nangyayari sa industriya. Sobra na rin ang kumakalat na pagkamuhi sa lipunan. Hindi pa ba ninyo nababasa iyong Signs of the Times? Iyang inyong pagkamuhi at paninira ang siyang ikinasira ninyo sa mga mamamayan sa loob ng dalawang nagdaang eleksiyon. Hindi pa ba kayo natatauhan?
Ngayon hindi lamang sa politika ninyo ginagamit ang inyong pagkamuhi at paninira, hanggang sa pelikula dala na ninyo iyan. Ano ang gusto ninyong mangyari, mainis pa ang mga tao sa pelikula at tuluyan na iyong bumagsak Ilang pelikula ninyo ang na-pull out na sa mga sinehan? Ilan ang naibenta nang straight to tv dahil tinatanggihan na ng sinehan kasi puro kayo pagkamuhi at paninira.
Baka dahil sa ginagawa ninyo atakihin pa kaya sa puso, huwag naman sana.