Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MARAPAT nang pakialaman o bigyan ng atensiyon ni Pasay City Mayor Emy Calixto-Rubiano ang sangkatutak na reklamo ng mga pasahero ng traysikel laban sa pasaheng P50 singil ng mga driver malapit o malayo man ang destinasyon.
Dapat amyendahan ng Sangguniang Panlungsod ang tricycle code ng nasabing siyudad.
Aminin nang mataas ang krudo pero hindi sapat na dahilan para pahirapan ang taong bayan.
Partikular sa mga nakapilang traysikel na pawang miyembro ng TODA at mga eskiyerdang traysikel sa kalsada na pumipik-ap ng pasahero, P50 din ang singil na pasahe.
Kung ikinakatuwiran ng mga drayber na mahal ang gasolina, mga pilosopong sagot ng mga drayber, puwedeng sagutin ng mga empleyado ng gobyerno na ‘di tumataas ang kanilang suweldo hanggang magkairingan.
‘Yung mga nakaparada sa bawat lugar na kasapi ng mga TODA, nagbabayad sila ng butaw sa asosasyon, bukod pa ang linggohang intelehensiya sa pulisya at sa barangay.
Ano ba ‘yan, Mayora Emi? Alam ko ang puso mo ay para sa mahihirap pero hindi sapat na konsintihin ng iyong administrasyon ang pagmamalabis ng mga drayber ng traysikel dahil hindi lang sila ang dapat kumain ng ng tatlong beses sa loob ng isang araw. Kawawa rin ang mga commuters!
Minsan, sumakay ako sa terminal ng traysikel sa harapan ng Victory Mall sa lungsod ng Pasay at pagsapit sa Protacio St., inabutan ko ng P40 ang drayber. Pagkaabot ng aking ibinayad, galit na sinigawan ako at kulang daw ang P40 dahil may mga taong nakarinig sa aming lugar, medyo napahiya ako, kaya hiningi ko ang P40 na una kong binigay.
Akala ng drayber ay dadagdagan ko ng P10 kaya pagkabalik sa akin ng pera ay umalis na ako papasok ng aking tirahan.
Habol si gagong drayber at habang papalapit sa akin ay galit na galit at isinisigaw na “Bayad Mo!”
Pagpasok ko sa loob ng aking bahay, sabay sara ng pintuan. Sinagot ko ang drayber sa aking terrace na abot-tanaw ko, sinabi ko na “bayad na ako sa pagpapahiya niya at dapat ako pa ang may sukli!”
Sumunod ay pumasok na ako sa aking silid at ‘di ko na namalayan na umalis na ang galit na drayber.
Isa lang ‘yan sa pangyayari, paano kung ganyan kabastos at kagago na drayber ay makatagpo ng katapat. Puwedeng dumanak ng dugo, ‘di po ba?
Sabi ni Mr. Ace Sevilla, magreklamo raw. Kanino at saan? Aaksiyonan ba naman?
Kayong mga drayber ng traysikel, kung mahal ang gasolina, maghanap kayo ng ibang trabaho.
Sa taksi nga flag rate ng metro P50, nakarating na ako sa bahay ko, naka-aircon pa!
Malayo sa Parañaque, Las Piñas City na ang mga TODA ay may dress code. Bawal ang hindi naka-unipormeng TODA. Dito sa Pasay, bukod sa naglipana ang mga kolorum, ang lalakas pa ng anghit sa kilikili.
May maliit na anak na bitbit na nakaupo sa harap ng tatay na driver at may back up pa na mga misis.
Kung maaksidente, uunahin bang isugod ang mga pasahero sa ospital?
Anong security meron ang pasahero? Ilan lang ito sa problema Mr. Sevilla. Ayaw ni Mayora nang ganyan! ‘Wag puro papogi, umaksiyon ka!