ni Gerry Baldo
NABUKING sa pagdinig ng Kamara de Representantes na ang mga datos ng gobyerno patungkol sa sibuyas at iba pang gulay ay peke at inimbento lamang.
Sinabi ng matataas na opisyal ng Kamara, ang mga datos umano, ay galing sa Kagawaran ng Agrikutura (DA).
Ayon kina Majority Leader at Zambonga City 2nd District Rep. Mannix Dalipe at Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson na si Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo, tiwala silang nakalap ang sapat na kasagutan mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) sa pagdinig patungkol sa sibuyas at iba pang produktong agrikultural.
Naunang nagbanta si House Speaker Martin G. Romualdez na pananagutin ang mga negosyanteng nagtatago ng sibuyas at iba pang produktobg agrikultural.
Ang pagdinig kahapon ay pinangunahan ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga.
“‘Yung mga datos natin, artificial lang ba ‘yan? Pinepeke lang ba ‘yan? ‘Di ba? May laman ba ‘yung cold storage? Wala bang laman ‘yung cold storage? Kasi d‘yan mo malalaro ‘yung presyo,” tanong ni Dalipe sa mga representante ng BPI.
Ang tinutukoy na cold storage warehouse ay pag-aari ng Will Builders.
“What if the cold storage is empty, and your report says it’s full. What will happen to the market? That will be taken advantage of by some people, na walang supply. Tataas ngayon ang presyo kasi mali ang datos ninyo,” ani Dalipe.
Naniniwala si Dalipe na nagkakaroon ng ‘price manipulation’ sa industriya ng sibuyas sa bansa.
“There were reports that we had sufficient onion and garlic, and here comes the months of October, November, December, na tumaas ‘yung presyo. If the reports were true [na sufficient], why would the price go up?” aniya.
“So anong ginagawa no’ng ahensiyang nagmo-monitor? Totoo ba or peke ba ‘yung scenario na may supply? Pineke ba ‘yung datos na may supply para sumipa ‘yung presyo, tumaas, para magkaroon ng opportunity ba ‘yung mga smuggler, gano’n ba ‘yun? I’m getting suspicious already kasi parang may gumagawa ng scenario to create something, a scenario which makes it profitable,” ayon kay Dalipe.
Ginisa ni Quimbo ang mga opisyal ng BPI sa umano’y hindi maipaliwanag na datos na isinubo nito sa komite ni Enverga.
Ayon sa BPI, ang taunang pagtaas ng pangangangailan sa sibuyas mula 2011 hangang 2021 ay limang porsiyento lamang.
Pero anila noong 2021 at 2022, nagkaroon ng 39 porsiyentong pagtaas ng ‘demand’ sa sibuyas.
“‘Yun ang para sa akin bagong misteryo. Paano n’yo maipapaliwanag ‘yun. Taon-taon halos 5 percent lang ang pagtaas ng demand? Kasi taon-taon naman ang magda-drive ng increase in demand for onion is population growth. Hindi naman nagbabago ang paggisa natin e,” ani Quimbo.
Pinagpapaliwanag ni Quimbo ang mga taga- kagawaran ng agrikutura.
“May paliwanag ba kayo? Kasi kung wala kayong magandang paliwanag ng 39 percent increase in demand iniimbento ninyo ang datos na ‘to at dina-justify ninyo ang mataas na presyo ng sibuyas.”
Ayon kay Arnold Timoteo ng DA-High Value Crops Development Program, ‘yung ‘demand’ ay base sa “per capita consumption provided by the Philippine Statistics Authority (PSA).”
ENVERGA DESMAYADO
“Medyo disappointing dahil nga ‘yung data gaps between BPI, PSA. Medyo nalilito kami rito sa mga bagong rebelasyon namin dito. Even ‘yung data nila particular doon sa mga cold storages,” ani Enverga.
“Again, nadesmaya ako doon sa pagkakataon na madiskubre na ‘yung [onion] traders ay hindi alam ng BPI, so malaking butas ito particular for ‘yung mga mapagsamantalang tao. Since hindi alam kung asan ‘yung particular supply sa particular moment e malaking problema natin dito,” aniya.
“So medyo overwhelming na disappointing but we hope sa Tuesday (Feb. 14) ready naman ‘yung mga agency na ini-require natin na pumunta rito,” dagdag ni Enverga. (30)