RATED R
ni Rommel Gonzales
MULA pala noong 2019 ay wala ng kontrata sa ABS-CBN si Judy Ann Santos.
Nag-expire ang kontrata niya sa Kapamilya Network noon pang ginagawa niya ang Starla na umere mula October 2019 hanggang January 2020.
“When I was doing ‘Starla,’ wala na akong contract with ABS-CBN.
“Then pandemic hit. Then they gave me ‘Paano Kita Mapapasalamatan’ which I am grateful for, considering na wala akong contract and yet ako ang ikinonsidera nilang host,” kuwento ni Judy Ann sa mediacon ng gagawin niyang horror film na The Diary Of Mrs. Winters.
At kahit wala siyang existing contract ay patuloy sa pagiging Kapamilya ang aktres.
“Well, actually, noong nag-expire ‘yung contract ko with ABS-CBN, it’s something na ‘di naman ako masyadong… parang okay lang.
“Kailangan ko rin naman ng chance na ipahinga ‘yung utak ko.
“With ABS-CBN naman, I have a very honest and open relationship with them when it comes to projects na inilalatag nila sa akin.”
At kahit wala siyang existing contract ay nagpaalam pa rin siya sa ABS-CBN management na may gagawin siyang isang serye na secret pa muna sa ngayon ang mga detalye.
Produced iyon ng Reality Entertainment ng director-producer na si Erik Matti.
Kinausap ni Judy Ann si Cory Vidanes, Chief Operating Officer ng ABS-CBN, tungkol sa bago niyang serye.
“I called up Tita Cory para ipaalam lang sa kanya, para magsabi, ‘I’m gonna make a series outside ABS-CBN.’
“Ipinaalam ko nang maayos. Kasi alam mo ‘yung pakiramdam na wala man akong existing contract with ABS-CBN, ‘yung pakiramdam ko lang na para akong namimindeho ng asawa.
“All my life, I’ve been doing all my teleseryes with ABS-CBN. Ito ‘yung first time na gagawa ako ng hindi under sa kanila, so parang feeling ko lang, medyo nagi-guilty ako so kailangan ko sabihin.”
Kuwento pa ni Judy Ann ay maayos ang usapan nila ni Ms. Vidanes.
“Oh, sobrang na-appreciate ni Tita Cory ‘yung pagtawag ko sa kanya. Sabi niya, ‘Di naman kailangan, Juday, pero na-appreciate ko.’
“Ganoon kasi ako, ayokong may nasasaktan ako along the way, especially when it comes to work.
“Feeling ko ‘di worth it na may tao kang matapakan, para lang sa isang proyekto, para lang sa isang malaking talent fee or something.
“Not that I’m saying anlaki-laki ng talent fee ko. Hindi, ah.
“Feeling ko lang ‘yung respeto kailangan ibigay mo nang buo sa mga taong bumuo sa ‘yo.”
Sa The Diary Of Mrs. Winters ay muling sasabak si Juday sa nakatatakot na genre tulad ng mga nagawa na niyang Kulam, Ouija, at T’yanak.
Gaganap siya rito bilang si Charity isang bio-forensic cleaner o tagalinis sa bahay o kuwarto ng isang namatay.
Ex-husband naman niya si Victor na gagampanan ni Sam Milby.
Nakatutuwa rin na muling aarte sa big screen si Liza Diño na gaganap naman bilang kabit ng dating mister ni Charity.
Ang The Diary Of Mrs. Winters na sa Canada ang kabuuan ng shooting ay sa direksiyon ni Rahyan Carlos.