Sunday , December 22 2024

Tigil-mina sa Sibuyan, kaduda-duda

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SA NGAYON, tigil-operasyon muna ang Altai Philippine Mining Corp. (APMC) sa pagmimina ng nickel ore mula sa Sibuyan Island sa bayan ng San Fernando, Romblon. Tagumpay ang pagbabarikada ng mga tao ng kanilang mga sarili para makuha ang atensiyon ng media tungkol sa mga seryosong pinangangambahan ng mga residente ng isla at ng environmentalists.

Ang pansamantalang paghintong ito, gayunman, ay hindi resulta ng isang aksiyong legal o parusang ipinataw ng gobyerno, kaya non-binding ito. Pumayag lang ang Altai na itigil ang pagmimina nito hanggang sa maresolba ng kompanya ang tatlong paglabag na natukoy ng mga awtoridad laban dito.

Para sa APMC, isa lamang itong mumunting balakid sa 25-taong operation plan na magmina sa lugar. Kahit pa tama ang mga nagpoprotesta sa iginigiit nilang ilegal ang operasyon ng kompanya, mistulang walang ginagawang anoman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maipasara ang minahan.

Sakaling sa huli ay magtagumpay pa rin ang Altai, ang nakababahala ay kung paanong ipinamalas ng gobyerno kung gaano kainutil sa pagpapatupad ng mga batas na layuning protektahan ang kalikasan at ang mga komunidad na may kapaki-pakinabang na likas yaman.

Maliwanag na wala tayong natutuhan mula sa Marcopper disaster para igiit ang higit pa sa minimum compliance mula sa kasalukuyang mga kompanya ng minahan.

Tuloy ang bullying

Balik na naman ang China sa mga para-paraang bullying sa West Philippine Sea. Sa pagkakataong ito, gamit ang dalawang barko ng coast guard at dalawa pang maritime militia vessels upang hamunin ang pasensiya ng sarili nating barko, ang BRP Andres Bonifacio (PS-17), malapit sa Panganiban Reef.

         Ang nangyari sa ating karagatan ay direktang sumisimbolo sa doble-karang diplomasya ni President Xi Jinping sa Filipinas.

Napakarami, napakadalas, masyado nang garapalan, sobra nang agresibo, at grabe na ang pang-aapi at pag-aangkin ng teritoryo na ginagawa ng mga barko ng China sa WPS, kaya dumating sa puntong nawalan na ng pagkakakitaan ang ating mga mangingisda habang tinatapak-tapakan ang karapatan natin sa soberanya sa hangganan ng ating mga karagatan.

At eto tayo ngayon, napilitang ikonsidera ang opsiyon ng pagsasagawa ng joint coast guard patrols kasama ang ating matagal nang kaalyado sa depensa, ang Amerika. Marahil hindi gusto ng China na mangyari ito; pero sigurado namang ito ang hinihiling nila.

‘Dinoktor’ ng mga doktor?

Nanghilakbot siguro ang pangunahing forensic pathologist sa bansa na si Dr. Raquel Fortun nang mabunyag sa kanyang isinagawang review ang pagsesertipika ng mga doktor na “natural causes” ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima ng drug war na pinagbabaril ng mga alagad ng batas.

Sinabi ni Fortun na “being nice” pa nga raw siya nang sinabi niyang may 12 kaso ng “mis-certifications” ng mga doktor na nagdeklarang pneumonia, hypertension, infarction, at sepsis ang ikinamatay ng mga biktima.

Panahon nang makialam ang National Bureau of Investigation, hindi lang para papanagutin ang mga pumatay kundi para maisulong ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga doktor hanggang sa tuluyan silang makulong dahil sa pagtatakip sa mga karumal-dumal na pamamaslang na ito.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …