HATAWAN
ni Ed de Leon
NATATANDAAN namin, noong i-take over ng Aquino government ang Channel 2 mula sa franchise holder and owner na Banahaw Broadcasting sa bintang na iyon ay bahagi ng ill gotten wealth at ibigay ang pribilehiyo sa mga Lopez para muling mabuksan ang ABS-CBN, natigil pati ang high rating show ni Ate Vi (Ms Vilma Santos), iyong Vilma in Person.
Maraming gustong kumuha sa show, pero ang mahigpit na naglaban ay ang IBC 13 na isa rin sa mga Aquino sequestered station at ang GMA 7. Ang gusto ni Ate Vi, kung sino ang mga kasama niya sa VIP, iyon din ang makasama niya sa bago niyang show. Doon nanalo ang GMA, dahil kahit na station produced ang show, kasama nila sa produksiyon ang isang independent company na siyang magtatrabaho roon, iyong Media Muscle.
Noong lumipat si Ate Vi sa GMA, ang show niya ay tinawag na Vilma, at tumagal ng siyam na taon mula 1986 hanggang 1995. Nagrehistro iyon ng pinakamataas na ratings tuwing Biyernes ng gabi at hindi natapatan iyon ng ibang networks. May mga pagkakataon pang ang ratings niyon ay umabot sa 47%. Si Ate Vi noon ang highest paid television star. Pero matapos nga ang 479 episodes, nagdesisyon siyang tapusin ang kanyang high rating show, dahil gusto niyang magka-anak, at ipinayo ng doctor niya na kailangang magpahinga na siya sa kanyang pagsasayaw.
Kabilang iyan sa mga babalikan niya sa muli niyang pagharap sa television cameras sa Huwebes, kung kailan ite-tape ang tribute sa kanyang 60 years in showbusiness. Hindi pa namin maaaring i-reveal ang contents ng nasabing tribute, pero malalaman ninyo iyan bago iyon ipalabas sa lahat ng ABS-CBN platforms.
Basta ang maliwanag lang sa ngayon, ang King of Talk na si Boy Abunda ang makakasama niya sa show.
Kawawa na naman ang show na matatapatan niyan.