NAGWAKAS ang pagtatago sa batas ng isang lalakingnakalistang rank no. 8 most wanted person (MWP) sa Central Luzon matapos malambat ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City.
Kinilala ni P/Cpt. Ronald Sanchez, hepe ng Valenzuela City Police Station Intelligence Section (SIS) ang naarestong akusadong si Celestino Collantes, Jr., 51 anyos, residente sa Diam St., Barangay Gen. T. De Leon.
Ayon kay Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., si Collantes ay dinakip ng mga operatiba ng SIS sa CJ Santos St., Barangay Malinta, Valenzuela City sa bisa ng iba’t ibang arrest warrants na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ani P/Capt. Sanchez, bukod sa sa pagiging rank 8 MWP sa regional level, kinilala si Collantes bilang rank 3 most wanted person ng Cabanatuan City Police Station, ani Sanchez.
Ang mga inisyung arrest warrants laban sa akusado ay para sa illegal recruitment involving economic sabotage (syndicated and large scale), at estafa na walang inirekomendang bail bond.
Si Collantes ay nahaharap sa kasong 31 counts of estafa at 3 counts of illegal recruitment involving economic sabotage (syndicated and large scale). (ROMMEL SALES )