SWAK sa kulungan ang dalawang babaeng tulak ng ilegal na droga, kasama ang kanilang parokyano sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon City police chief P/Col. Amante Daro ang mga suspek na sina Imelda Ilagan, alyas Dang, 30 anyos; Jennifer Tolentino, alyas Jenny, 40 anyos; kapwa ng Brgy. 4, Caloocan City; at Jasper Morallos, alyas Mario, parokyano, residente sa Brgy. Tañong.
Sa ulat ni Col. Daro, dakong 1:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog, Malabon City laban kay Ilagan at Tolentino at sa pamamagitan ng undercover police na nagawang makipagtransaksiyon sa kanila.
Nang tanggapin ang P300 marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur buyer kapalit ng isang plastic schet ng shabu, agad dinakma ng mga operatiba sina Ilagan at Tolentino, kasama si Morallos na itinurong parokyano ng dalawa.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 2.8 grams ng hinihinalang shabu, may DDB Standard Drug Price na P19,040 at marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)