Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MALUNGKOT na balita para sa ating mga kababayan ang kakarampot na dagdag sa suweldo ay kukunin ng MRT 3 matapos maghain ng petition na fare increase ng P4 hanggang P6.
Patuloy ang pagpapahirap sa sambayanang Filipino. Dahil sa patuloy na krisis sa bansa, ang ating gobyerno ay gawa nang gawa ng mga proyekto para makautang at maibulsa ng mga magnanakaw, pero taong bayan naman ang nagbabayad.
Gaya nito, para raw maibsan ang mahabang trapiko, kailangan magdagdag nang magdagdag ng mga tren. Oo nakakatulong nga dahil sa sobrang laki ng populasyon ng ating bansa, kulang ang pampublikong transportasyon habang napakaraming pribadong sasakyan sa lansangan.
Mantakin n’yo mga kaibigan, kung maaprobahan ang anim na piso, mula P28 magiging P34, mula North Ave. Station hanggang Taft Ave.
Kung ang trabaho mo ay nasa Parañaque, sasakay ka pa ng jeep, e halos P150 ang pasahe, wala pa ang pagkain at ang matindi, pagod pa ang katawan, at lahat ng gastos ay pagkakasyahin lang sa tinatanggap na minimum wage.
Hindi ko sinisisi ang bagong Pangulo ng bansa, si BBM dahil ipinagpatuloy lang niya ang mga iniwan ni PRRD na puro pagkakagastusan ang ipinamana sa bagong administrasyon. Ang mga higanteng proyekto gaya ng Skyways na pagkamahal-mahal ng toll fee.
Hindi kaya ng local government na bigyan ng trabaho ang kanilang constituents, kaya ang sistema ay sa ibang lugar nagtatrabaho. Pasanin tuloy ang gastos sa pasahe lalo na ‘yung construction workers. Tinitiis na ‘di makasama ang pamilya at sa construction site natutulog.
Maunlad tingnan ang bansa natin dahil sa naglalakihan at nagtataasang mga gusali, pero sa likod nito, marami ang nagugutom.