KINOMPIRMA ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na hanggang nitong 5 Pebrero 2023, ay nasa 28 milyong Subscriber Identity Module (SIM) cards na ang nakarehistro sa bansa, sa ilalim ng SIM Card Registration Act.
“So far, as of today (5 February), may 28 million nang nakarehistro,” ayon kay Uy.
Aniya, mayroong 150 milyong SIM cards ang inisyu ng mga telecommunications companies.
Gayonman, mayroong mga bumibili ng prepaid SIM cards, gaya ng mga scammers, na minsan lamang ginagamit at itinatapon agad pagkatapos.
Kaya’t sa naturang bilang aniya, maaaring nasa hanggang 120 milyon ang matitirang mairerehistro.
“Hindi natin currently alam kung ilan sa 150 million [SIM cards] ang gano’ng klase. More or less 120 million SIM cards ang matitira na kailangang mairehistro,” ani Uy.
Matatandaan, 27 Disyembre 2022 nang simulan ng pamahalaan ang pagrerehistro sa mga ginagamit sa SIM cards sa bansa.
Mayroon lamang 180 days o hanggang 26 Abril 2023, ang publiko upang irehistro ang kanilang SIM cards upang hindi ma-deactivate. (ALMAR DANGUILAN)