BAGSAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaktuhan ng mga pulis na nag-aabutan ng shabu sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang mga suspek na sina Ferdinand Contreras, 38 anyos, ng C Raze St. Brgy. Lingunan at Eric Magtalas, 47 anyos, residente ng 7th St. Fortune 5, Brgy. Parada.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Destura na unang nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Joel Madregalejo ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa F. Lazaro St., Brgy. Canumay West.
Kaagad pinuntahan ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSSg Gabby Migano ang nasabing lugar upang magsagawa ng validation nang maaktuhan ng mga ito si Contreras na may iniabot umanong isang plastic sachet ng umano’y shabu kay Magtalas na naging dahilan upang arestuhin nila ang mga suspek dakong 10:45 ng gabi.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang tatlong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu, P500 recovered money, cellphone at isang motorsiklo.
Ani PSSg Ana Liza Antonio, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)