Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SAKIT na yata ng local government units (LGUs) na bagama’t tuwing bago matapos ang taon ay nagtatakda ng mga badyet para sa susunod na taon, e lagi naming walang pondo pagpasok ng bagong taon.
Ang sistema sa rami ng mga proyekto ay nagkukulang ang badyet. Bakit? Dahil hindi nakukuha ang target collections mula sa mga buwis ng mga departamento na nagge-generate ng income, ilan dito ay mga buwis sa real property tax at business tax.
Hindi kaya ng koleksiyon ang mga proyekto na ibig sabihin ay overspending ang local gov’t sa itinakdang badyet.
Ang resulta, mga contractor at supplier na hindi nababayaran ay puro account payable pagkatapos ng taon. Kinakailangan pang sa unang quarter ng taon dahil bayaran ng mga buwis at doon kukunin ang ipambabayad.
Kaya ang unang buwan ng Enero at Pebrero ay nakapila ang mga bayarin, kailangan pang mangolekta ng mga bayarin sa buwis para may pambayad sa pagkakautang sa nagdaang taon.
Paano ba mareresolba ang ganitong problema?
Dapat siguro ang local government, mga alkalde at Sangguniang Panlungsod o Pambayan bago mag-aproba ng isang proyekto ay tingnan muna kung kaya ng itinakdang badyet para sa taon. Hindi arya nang arya kahit hindi naman kailangan pa.
Prayoridad siyempre ang suweldo ng mga empleyado, mga supplies na ginagamit ng mga departamento. Pero sabi nila kung walang proyekto tulad ng mga eskuwelahan, at ospital walang asenso ang komunidad. Totoo ‘yan, sa pamamagitan ng makabuluhang proyekto ay may silbi ang mga halal na opisyal ng bawat local government.
‘Di ba ninyo napupuna sa first quarter ng taon, walang proyekto ang local government? Dahil kailangan bayaran ang mga pagkakautang sa nakalipas na taon sa mga ginawang proyekto.
Kung mayroon mang gagawin gaya ng infrastructure projects, sa second quarter na ng taon sisimulan ito. Magsusulputan ang mga contractors at suppliers na mga nagwagi sa bidding.
‘Yan ang local government, matagal magbayad pero mababayaran ka. Maghintay ka nga lang. Dapat mahaba ang pisi ng mga contractor.
Meron nga riyan, ‘di pa nagsisimula ang project nakapag-cash advance na. Bakit nangyayari ito? Kasi nag-a-advance rin ang mga bibigyan ng ‘SOP.’ E mawawalan talaga o mauubos ang pondo, wala pang trabaho nakapag-advance na ang mga ‘komisyoner’ sa bawat proyekto sa local government.
Higit na masuwerte ay ‘yung winning bidders! Sila at sila pa rin ang makikinabang hanggang matapos ang tatlong termino ng Alkalde. Kaya kadalasan, over pricing ang presyo ng supplies.
‘Yan ang kalakaran ng LGUs sa Filipinas.