HINIKAYAT ni Pasig City Councilor Connie Raymundo, Committee on Education chairperson ng lungsod, na muling mag-aral at pataasin ang kalidad ng edukasyon ng mga magtuturo sa mga kolehiyo at mga pamantasan.
Bukod sa pagkakaroon ng master’s degree, dapat nagtataglay din ng doctor’s degree ang isang miyembro ng faculty.
Ito ang pahayag ng Konsehala bilang suporta ng konseho sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ng mga faculty ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP).
Kaugnay nito, hinihikayat ng konsehal ang mga nagtuturo sa naturang pamantasan na mag-aral upang makamit ang kanilang master’s degree at magpatuloy sa doctor’s degree.
Aniya, hindi dapat ipag-alala ng mga guro ang pag-e-enrol sa graduate school dahil pagkakalooban sila ng study leave at pagdating sa dissertation ay libre na sila sa pagtuturo nang isang semestre.
Bukod dito, magbibigay ang city government ng P100,000 financial assistance at scholarship habang tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mga suweldo. (EDWIN MORENO)