HATAWAN
ni Ed de Leon
IYONG ginagawang pamba-bash kay Toni Gonzaga, masasabi mo ngang siguro politically motivated. Nagsimula lang naman kasi iyan nang mag-perform at maging host si Toni roon sa political rally ng Uniteam. Hindi matanggap ng ilan na si Toni na isang ABS-CBN talent ang nag-endoso kay BBM na ang tatay ay unang nagpasara ng network noong Martial Law, at kay Sara Duterte rin na ang tatay ang siyang nagpasara sa ABS-CBN sa ikalawang pagkakataon. Doon nagsimula ang bashing, na sinundan na ng mga basher ng mga ibang may political color.
Siguro ikatutuwa nila kung si Toni ay sinibak ng ABS-CBN. Pero hindi na nga nangyari iyon dahil nag-resign na siya bilang host ng PBB bago pa mangyari iyon. Marahil kung natalo rin ang mga kandidato ni Toni, tatahimik na ang bashers, eh kaso nanalo, lalo silang nagalit.
Pero ang pamba-bash na tinatanggap ng kapatid niyang si Alex, mas matindi at mukhang mas malalim ang pinagmulan. Nagsimula lang iyan nang bigla niyang pahiran ng icing ang mukha ng isang waiter na nagsilbi sa birthday niya. Nasundan pa iyon ng mali at hindi pinag-isipang damage control, na nagsabing kaya naman siya nagbiro ng ganoon ay dahil matagal na nilang kakilala at kaibigan ang waiter, na hindi naman pala.
Ewan kung kaninong idea iyong kausapin ang waiter at pasulatin pa na nagkasundo na sila at ok lang sa kanya ang lahat.
Pero hindi lang iyon eh. Nasundan iyon ng marami pang kuwento ng mga nakasama niya sa trabaho na nagsasabi kung gaano siya ka-unprofessional. Lahat nagsasabing late raw siya dumarating at pinaghihintay ang mga kasama sa trabaho.
Kung magpa-make up daw nakahiga pa, kaya hirap na hirap ang make-up artist na kailangang lumuhod para malagyan siya ng make-up. Mayroon pang isang production designer na inutusan daw niyang iabot sa kanya ang lalagyan niya ng tubig.
Siguro nga, lumaking senyora sa bahay si Alex at hindi niya narinig ang pangaral na hindi puwede ang ganyan kung gusto niyang maging artista, lalo na nga’t wala pa namang masasabing nararating na niya talaga.