HATAWAN
ni Ed de Leon
NANINIWALA naman kami na may nanood sa concert ni Toni Gonzaga sa Big Dome sa kabila ng prediksiyon ng iba niyang mga kritiko na iyon ay magpa-flop. May mga basher na nagpapakita ng tickets sa kanyang concert, at nagpapasalamat sa isang politiko, dahil iyon daw ang nagbayad ng tickets at ipinamigay lang nang libre sa mga manonood. Ganyan naman lagi ang usapan nila.
Para sa amin kasi, walang masama kung may mga sponsor na nagbayad ng libreng tickets para mapanood ang isang palabas. Maaari kasing ibig sabihin niyon hindi nga ganoon kasikat ang artist, pero isang katotohanan na may nanood sa kanya. May mga artist talaga na paborito nilang i-bash.
Hindi namin nakita ang crowd, dahil hindi naman kami nanonood ng mga ganyang concert. Pero natutuwa kami kung naging successful nga ang concert ni Toni dahil at least nakabawi siya mula sa pagkakalugmok niya sa pelikula niya sa festival. Iyong pelikula niya sa festival ay isa sa may pinakamaliit na kita. Talagang nangamote iyon sa takilya.
Pero iba-iba ang dahilan para ang isang pelikula ay mangamote sa takilya. Maaaring hindi kasi iyon nai-promote nang tama. Maaaring hindi nagustuhan ng mga unang nakapanood ang pagkakabuo ng pelikula, at kumalat agad iyon kaya wala nang nanood. Puwede ring ang tema ng politika ay walang masyadong appeal sa publiko, at lastly puwedeng ayaw nga nila sa artista. Isa o dalawa lamang sa mga dahilang iyan, bagsak na ang isang pelikula.
Kawawa ang mga artist na hindi na makabangon sa ganyan. Kasi kung hindi tiyak iyon, habang buhay na siyang tagapagmana ng mga role na naiwan ni Flora Gasser.