Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
KAMAKAILAN, nabuking natin ang Pasay City Police na sa bawat dalaw ng mga kaanak ng mga preso sa kanilang maliit na selda ay kinakailangan magbayad ng P50 kada magdadala ng pagkain.
Dahil hindi naman sa mismong city jail pa nakakulong ang preso at wala pang resolusyon mula sa piskalya, pansamantala ay doon muna sa munting detention cell ng Pasay City police headquarters nakakulong ang mga nahuhuli ng mga kagawad ng pulisya sa iba’t ibang kasong kinasasangkutan.
Sa Las Piñas police headquarters naman ay magbabayad naman ng renta. Ang kumukuha ay ang mga mayores.
Paano natin nabuking? Dumalaw tayo sa munting detention cell ng Las Piñas City na nasa dulo ng police station.
Nagdala tayo ng pagkain para sa siyam katao na may mga kasong tresspass to dwelling, maliit na kaso.
Siyam na empleyado na dalawa dito ay babae at pito ay mga kalalakihan.
Biyernes nakulong at dinismis ng piskalya ang kaso (ipinadala na may love effect).
Nakalabas ang siyam na empleyado, araw ng Martes.
Bago lumabas ng kulungan, hinihingian ng mayores ng kulungan ng mga babae ng dalawang libong piso.
Sa kulungan ng lalaki kinuha nila ang ibinigay naming 2K pambili ng pagkain.
Nang muli tayong dumalaw, araw ng linggo, hindi pa raw sila kumakain dahil kinuha ng mayores ang 2k na ibinigay natin.
Ano ‘yun? Renta sa selda?
Nalaman pa natin na ang pagkain na dinadala namin sa pagdalaw ay kailangang ipakain sa ibang preso. Kaya dapat huwag nang dalawin dahil kapag may perang inabot, kukunin lang. Alam n’yo ba ito Col? Ikaw ang hepe diyan. Tsk tsk tsk…
Samantala sa mismong City Jail ay may rasyon na pagkain.
Nakatatakot pala sa selda ng mga pulis! Pinagkakaperahan!