HATAWAN
ni Ed de Leon
KAWAWA naman si James Reid, dahil iyong kanilang nakuhang venue sa Mandaue sa Cebu ay inulan nang husto at puro putik ang paligid at paano ka nga naman magkakaroon ng concert sa ganoong lugar, eh lulubog sa putik ang mga manonood. Ginawa naman nila ang lahat ng kanilang makakaya, truck-truck na graba ang kinuha nila para itambak sa lupa, pero lumulubog pa rin sila sa putik.
Dahil doon, napilitan si James mismo na gumawa ng announcement na iyon ngang first day ng kanilang music festival ay libre na para sa mga manonood. Pinayuhan din niya ang mga manonood na magsuot ng bota at kapote dahil halos walang tigil ang ulan. Sinabi rin niya na ang nakabili ng tickets sa first day ay tatanggapin pa rin nila sa second day. Ganoon pa rin ang usapan, may libreng drinks. Pero mukhang iba ang gustong mangyari ng mga nakabili ng tickets, gusto nila ng refund. Ang mahal ng tickets eh, mayroon daw umaabot ng P40K, iyong VVIP. Ang pinakamura naman ay P4K. Basta nag-refund ang Careless Music ni James, bankrupt na sila niyan, dahil hindi naman puwedeng hindi nila bayaran ang mga artist. Ang dami na rin namang ibang gastos, pero sino ba ang magsasabing magdadala ng ganoong ulan ang isang low pressure area lang naman.
May mga nagsasabi naman na kahit na hindi umulan, baka hindi rin masyadong kumita ang music festival dahil halos wala ring promo iyon kundi sa social media page lang ng Careless Music. Akala siguro nila dahil marami silang followers ay iyon na iyon.
May nagsasabi pang baka blessings pa ang ulan dahil kung hindi baka mag-perform sila sa iilang audience lamang. Pero ok pa rin si James. Hindi niya kinansela ang show, ginawa pa niyang libre. Kung kinansela niya iyon, maaaring bayaran na lang niya ng kalahati ang mga performer para sa hindi natuloy na show. Pero nangangahulugan iyon na baka hindi rin sila bayaran ng buo ng kanilang mga sponsor.
Kawawa naman si James, laging mali ang timing.