HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGING eye opener para sa atin ang nakaraang Metro Manila Film Festival. Si Coco Martin na tumagal ng halos pitong taong top rater sa FPJ’s Ang Probinsiyano ay kumita lamang ng P19-M ang pelikula sa nakaraang MMFF. Ang paniwala ng marami noon, siya ang makakalaban ni Vice Ganda, na hindi rin inaasahang napataob ni Nadine Lustre.
Noong araw sabi nila, top grosser ang pelikula ni Vice at ang nakalaban ay pelikula ni Coco. Pero ang pelikula noon ni Coco ay iyong FPJ’s Ang Panday. Mukha ngang sa tingin, ang popularidad ni Coco ay nakasandal sa remake ng mga proyektong pinasikat ni FPJ, at kung gagawa siya nang hindi kay FPJ, wala.
Ang naging biruan nga noong isang gabi, kung ang pelikula kaya ni Coco ay ginawang FPJ’s Love Accent kikita raw kaya nang malaki at makakasabay man lang kay Vice Ganda? Huwag na kay Nadine, masyadong malaki ang lamang eh, kay Vice na lang. O kahit na lampasan
man lang iyong sinundan niyang pelikula. Kasi iyong pangatlo mahigit P50-M lang ang kita, sa kanya wala pa sa kalahati niyon dahil P19-M nga lang.
Kung sa bagay, baka nga makababawi naman siya sa tv, dahil ang ilalabas niya ay remake na naman ng isang pelikula ni FPJ, iyong FPJ’s Batang Quiapo, na siyang ipapalit nila sa hindi nakalipad na Darna ni Jane de Leon.
Siguro naman mas magre-rate iyan kaysa Darna, dahil FPJ iyan eh, at nasubukan na naman na click si Coco sa paggaya kay FPJ.
Iyon ang isa pa, sabi nila masyadong babad na si Coco sa telebisyon, kaya wala nang nagbabayad para mapanood siya sa sinehan. Totoo iyan. Bagama’t natutuwa tayo sa mataas na ratings, at nabibigla
tayo sa itinatagal ng isang serye. Isipin ninyo iyong pelikulang Probinsiyano ni FPJ na wala pang dalawang oras sa sinehan, napahaba ni Coco ng halos pitong taon sa telebisyon. Pero iyon nga nabababad naman siya sa ganoon.