NANINIWALA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang pananampalataya ng mga Filipino sa Itim na Nazareno ay magiging daan upang malampasan ng bansa ang mga naghihintay na unos at magbunga ng buhay na puno ng biyaya at katatagan.
Inihayag ito ni FM Jr., sa kanyang mensahe ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayon.
“Sa pagpapahayag ng debosyon ng Catholic faithful sa Itim na Nazareno, alalahanin din natin ang malalim na pag-uugat nito sa ating kulturang Filipino na malampasan ang malalaking pagsubok at kapighatian sa gitna,” ayon sa Pangulo.
“Tunay nga, sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay malalampasan natin ang mga unos na naghihintay sa atin at magbunga ng buhay na puno ng biyaya at katatagan,” dagdag niya.
Kailangan aniyang isaalang-alang ang pinakaaasam-asam na relihiyosong tradisyon bilang isang simbolikong kilusan ng kolektibong paglalakbay sa lupa, na nakahanap ng bagong kahulugan sa ating mga hilig at pagdurusa bilang mga tao.
“Nawa’y ang larawan ni Jesukristo ay magbigay inspirasyon sa atin na isentro ang ating pag-iral sa pagmamahal, pag-asa, at pakikiramay habang inilalahad natin ang ating sarili sa iba at sa mundo sa pambihirang mga panahong ito,” ani Marcos.
“Sama-sama, isakatuparan natin ang mga pagpapahalagang ito habang nagsusulat tayo ng bagong kabanata sa salaysay ng ating bansa upang sama-sama nating ihatid ang panahon ng kapayapaan at kaunlaran para sa lahat,” pahayag ng Pangulo. (ROSE NOVENARIO)