LUMUTANG ang bangkayng 12-anyos batang lalaking nalunod, naunang napaulat na nawala sa creek ng Araneta Avenue, Quezon City, nitong Biyernes, 5 Enero.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 11:40 am, nitong 8 Enero, nang makita ng mga residente ang nakalutang na bangkay ng batang si Edgardo Abraham Reyes sa bahagi ng creek ng Araneta Ave., malapit sa rampa ng Skyway Stage 3 sa Brgy. Sto. Domingo, sa lungsod.
Ayon sa mga opsiyal ng barangay, inanod ang katawan ng biktima, 800 metro mula sa bahagi ng creek kung saan ito huling nakitang buhay noong Biyernes.
Nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Quezon City Disaster and Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) at residente upang maiahon ang bangkay ng biktima mula sa creek.
Si Reyes ay isa sa dalawang batang nalunod sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Biyernes.
Unang natagpuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ni Lylwayne Evangelista noong Biyernes ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon, ‘magbabanlaw’ ang mga biktima matapos magtampisaw sa baha noong Biyernes nang anurin sila ng malakas na current ng creek. (ALMAR DANGUILAN)