HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG natapos na yata ang pagiging box office top grosser sa Metro Manila Film Festival na hinawakan ni Vice Ganda simula noong 2011. Noong 2020, pinadapa ng pelikula ni Aga Muhlach na Miracle in Cell No,7 ang The Mall The Merrier ni Vice at ngayon namang 2022, nang magbalik ang MMFF sa mga sinehan matapos ang dalawang taong pandemya, lagapak ang kanyang pelikula sa entry ni Nadine Lustre, iyong Deleter, na bukod sa naging top grosser ay humakot pa ng awards sa festival.
Mukhang naglaho ang magic ni Vice nang mamatay ang kaibigan niyang si direk Wenn Deramas.
Ang pelikula ni Vice ay walang nakuhang award. Obvious din na matapos ang tatlong araw sa sinehan, nagbabawas na iyon ng mga sinehan sa kabila ng halos araw-araw niyang paglilibot para maakit ang fans na panoorin iyon. Saan nagkamali si Vice?
Ang unang pagkakamali niya ay ang hindi pagpapalit ng formula sa kanyang mga pelikula. Iyon at iyon din ang parang comedy bar niyang pagpapatawa. Siguro ang isa pang pagkakamali niya ay todo siyang kampante na ang promo niya sa social media ay sapat na. Kaya ngayon nadale siya nang todo, carambola.
Kung mayroon mang tatalo kay Vice, hindi namin inaasahan na Deleter iyon, pero talagang matalino na ang mga tao. Hindi na sila matatangay nang ganoon lang. Ang isa pa, off the air ang nawalan ng prangkisang ABS-CBN, na noon ay nagbibigay ng matinding back up kay Vice. Hanggang ngayon naman ay ganoon, kaya nga kahit na
lumuluha na sila sa takilya, sinasabi pa rin nilang siya ang top grosser, batay lang naman sa first day gross. Nagsimula kasing mag-overtake si Nadine pagkatapos ng awards noong ikatlong araw ng festival.
Hindi naman namin sinasabing kailangan na siyang mag-retire, kaya lang baka kailangang magbakasyon muna at magpalipas ng malas.