SAMPU-KATAO ang napaulat na nasugatan matapos ararohin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang isang Asian utility vehicle (AUV) at apat na motorsiklo bago banggain ang harapan ng isang botika sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod sa magkakaibang pagamutan sa Tala Hospital, Bernardino Hospital, at Caloocan North Medical Center ang mga biktimang sina Rogelio Desiderio, 37 anyos, ng San Jose Del Monte, Bulacan; Charmaine Ann Lagunda, 35 anyos, ng Villa Angelica Subdivision, Brgy. 72, Caloocan; Jerry Mayor, 31 anyos, Rosemarie Mayor, 53 anyos, kapwa residente sa Dolmar St., Brgy. 168; Anne Marjorie Sanchez, 33 anyos, ng Llano, Brgy. 167; Noella Rhose Maniego, 27 anyos, ng Palmera 1 Brgy. 175; Jericson Senias ng Pechayan St. Brgy. 177; Lemuel Francisco, Jerry Bayani, kapwa nasa hustong edad at residente sa Camarin; at isang hindi pa kilalang lalaki, sanhi ng mga pinsala sa ulo at katawan.
Sa ipinadalang ulat ni Traffic North Office investigator P/Cpl. Froilan Dela Rosa kay Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, mabilis na tumatahak sa Camarin Road ang isang Toyota Innova (NDU-7654) na minamaneho ni Bryan Tan, 29 anyos, residente sa Block 49 Lot 8 Ph. 4a, Sto. Niño, Meycauayan, Bulacan dakong 9:00 pm nang salpukin nito ang kasalubong na isang Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Lemuel Francisco.
Imbes huminto, pinaharurot ni Tan ang sasakyan at sinakop ang kabilang linya ng kalsada dahilan upang ararohin ang kasalubong na apat na motorsiklong sinasakyan ng iba pang mga biktima.
Huminto lamang ang SUV nang sumalpok sa steel roll-up ng nakasaradong Genwin Pharmacy sa harapan ng Bellefonte Subdivision, Brgy. 174, nagresulta sa pagkakadakip kay Tan.
Lumabas sa medical examination na positibo sa pag-inom ng alak si Tan kaya’t bukod sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties, sinampahan din siya ng kasong paglabag sa Section 53 ng R.A. 4136 o ang Driving while under the influence of liquor or narcotic drug sa piskalya ng Caloocan City. (ROMMEL SALES)