HINDI nakapalag ang magsyotang markado bilang drug personalities nang malambat sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang mga naarestong suspek na sina Arnold Mendoza, 46 anyos, taga-Brgy. San Roque, ng nasabing lungsod, at Mary Grace Yango, 47 anyos, residente sa Brgy. Longos, Malabon City.
Ayon kay Col. Ollaging, dakong 2:40 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Luis Rufo, Jr., ng buy-bust operation sa Leongson St., Brgy. San Roque nang natanggap ang impormasyon tungkol sa pagbebenta ng shabu ni Mendoza.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon ng P500 halaga ng shabu kay Mendoza at nang tanggapin ang marked money mula sa poseur buyer ay agad dinamba ng mga operatiba ang suspek, kasama si Yango.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 10 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang P68,000 sa standard drug price at buy-bust money.
Nahaharap ang magsyota sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale), at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (ROMMEL SALES)