SINUSPENDE ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw lisensiya sa pagmamaneho ng tsuper ng jeep na nakasagasa ng babaeng tumatawid sa pedestrian lane sa Parañaque City.
Kasunod ito ng pag-amin ng driver ng jeep, kinilalang si Leonilo Aque na nabundol niya ang babaeng tumatawid dahil hindi agad nakapagpreno bago makalapit sa pedestrian lane.
Nauna rito, nagpalabas ng show cause order ang Intelligence and Investigation Division ng LTO laban kay Aque dahil sa paglabag sa Department of Transportation (DOTr) Joint Administrative Order 2014-01 o Failure to Yield Right of Way for Pedestrian Crossing at sa Republic Act 4136 kaugnay ng reckless driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Sa isinagawang pagdinig ng IID, inatasan din si Aque na isuko ang kanyang driver’s license.
“Considering that during the hearing Mr. Aque affirmed that he is the assigned driver of the subject motor vehicle and admitted that he hit/bumped a pedestrian during the incident. Thus, his professional driver’s license is hereby preventively suspended for a period of 90 days prohibiting him to drive any motor vehicle due to the gravity/severity of his acts as a driver,” saad ng ipinalabas na Order ng LTO IID.
“Hawak ng isang tsuper ng pampasaherong sasakyan hindi lamang ang kanyang sariling buhay at ng kanyang mga pasahero kundi maging ng mga tao na nasa kalsada. Kung hindi magiging maingat at hindi irerespeto ang pedestrian lane, ilalagay nito sa alanganin ang ibang tao tulad ng nangyari sa Parañaque City,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade.
“Magsilbi sana itong paalala sa mga driver na namamasada na bagamat gustong kumita, responsibilidad din ang kaligtasan ng mga nasa lansangan,” dagdag ng LTO Chief. (ALMAR DANGUILAN)