SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MATAGAL nang naikukuwento sa amin ni Sylvia Sanchez na tututukan na niya ang pagpo-produce kaya medyo magla-lie-low muna siya sa pag-arte. Mapa-pelikula, live events, o concert, ipo-produce ito ng kanilang Nathan Studios. Kaya nga talagang personal silang nagtungo last year ng asawang si Papa Art Atayde sa France para malaman kung anong klaseng pelikula ang in ngayon bukod sa posibleng pakikipag-colab sa ibang producers abroad.
Nae-enjoy kasi ni Sylvia ang pagpo-produce lalo na ng concert. Sila ang producer ng matagumpay na anniversary concert ni Ice Seguerra katuwang ang Fire and Ice Media na pag-aari naman ng OPM icon at ng kanyang asawang si Liza Dino-Seguerra.
Ang tinutukoy naming concert ay ang Becoming Ice na nanganap noong October 2022 na pinag-usapan dahil sa ganda at pagiging matagumpay nito. Kaya naman masusundan pa muli ito ng isa pang Becoming Ice na gagawin sa Cebu at ang Divine Divas: The Ultimate Drag Experience na magaganap sa Pebrero 10, 2023 sa New Frontier Theater, Araneta City, Cubao QC.
“Lubos akong nagpapasalamat sa Fire and Ice Media Productions para sa solid partnership ninyo with Nathan Studios,” panimula ni Sylvia sa isinagawang thanksgiving party at presscon ng Nathan Studios at Fire and Ice kamakailan.
“Napakaraming stress at paghihirap sa buhay na galing sa pandemya na pinagdaanan at isa ang live events na todong naapektuhan ng lockdowns at quarantine.
“Mas lalo akong ginanahan na mag-produce noong right after ng concert niya (Ice) kasi nakita ko at mas nakilala ko kung sino si Ice. So parang ‘yung ganoong klaseng show ang gusto kong i-cater sa lahat ng tao at ipakita na kaya natin.
“‘Yung ipinagyayabang ko until now ‘yung concert ni Ice. Kung puwede nga ako na bumili lahat ng tickets para ipamigay sa lahat, gagawin ko. Pero siyempre hindi ko naman kaya gawin ‘yun.
“Ang daming magagandang concert ang napanood ko rito sa atin at abroad, pero ‘yung kay Ice na concert, ‘yun ang number one na concert para sa akin,” pagmamalaki ni Sylvia kay Ice.
“Pumapalakpak ako, kumakanta ako, umiiyak ako, humahalakhak ako, namamangha ako kasi buong buhay ni Ice ‘yung ikinuwento.
“Para siyang live na teleserye ‘yung pinanonood ko. ‘Yun ‘yung gusto ko na klase na mao-offer ko sa mga tao,” masayang sabi pa ni Sylvia.
“Iba rin ‘yung fulfillment dito na nakukuha ko. Sobra-sobra. Ito rin kasi ‘yung pangarap ko noong bata ako, na sana makapag-produce ako ng magagandang shows na mamahalin ng lahat ng tao at magugustuhan.
“Actually ‘yung movies saka na natin pag-usapan ‘yun dahil hindi kasama rito pero nag-produce na ‘yung Nathan Studios. Mayroon na,” pagbabahagi pa ni Sylvia.
Sinabi pa ni Sylvia na hindi lamang sa pagpo-produce ng concert tututok ang Nathan Studios. “Hindi kami mag-i-stop lang dito sa pagpo-produce ng concerts kundi marami pa kaming balak. Kaya antabayanan niyo at kailangan namin ang tulong ninyong lahat.
“Abangan niyo kasi marami kaming plano na hindi lang actually hanggang stage lang kami, ang dami pang gusto namin nina Ice at ni Liza na ang goal namin is magpasaya talaga ng tao. Antabayanan n’yo ang Fire and Ice at Nathan Studios,” paniniyak pa ng magaling at beteranang aktres.