ARESTADO ang isang notoryus drug pusher na nakatala bilang high-value individual (HVI) matapos makuhaan ng mahigit P16 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek si Noel Herrera, alyas Toto, 55 anyos, residente sa Margarita St., Brgy. Niugan.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ni Col. Daro, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police hinggil sa pagbebenta ng suspek ng shabu.
Kaagad ikinasa ng mga operatiba sa pangunguna ni P/Lt. Alexander Dela Cruz, ang buy-bust operation sa Pureza St, Brgy. Tugatog, ang napagkasunduang lugar na gaganapin ang transaksyon sa pagitan ng suspek at ng pulis na magsisilbi bilang poseur.
Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa pulis poseur-buyer, hudyat na nakabili na siya ng shabu sa suspek ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka sinunggaban si Herrera.
Nakompiska sa suspek ang halos dalawang kilo at 380 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price value P16,184,000, buy-bust money na dalawang pirasong P1,000 bills, may kasamang boodle money, digital weighing scale at driver’s license.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of Art. II of R.A. 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)