TATLO-KATAO ang napaulat na nasugatan matapos sumiklab ang sunog bago ang pagsalubong ng Bagong Taon sa Navotas City, Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga sugatang sina Jay ar Perez, 32 anyos, nasugatan sa kanang kamay, Jeffrey Magtango, 28 anyos, sugat sa kaliwang pulso, at Mark Allen Palomata, 24 anyos, nagtamo din ng sugat sa kaliwang kamay.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SFO1 Neil Kelvin Villanueva, sa pangunguna ng Ground Commander na si FSUPT Alberto De Baguio, dakong 2:28 ng hapon nang biglang sumiklab ang sunog sa isang cold storage sa Navotas Fishport Complex, Banera St., NBBN kaya mabilis na nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at fire volunteers.
Mabilis na kumalat ang apoy hanggang madamay ang ilang kabahayan kaya’t kaagad iniakyat sa ikatlong alarma ang sunog dakong 2:35 pm ngunit idineklarang fire under control ng BFP dakong 5:45 pm.
Walang napaulat na nasawi sa insidente habang ayon sa BFP, isang cold storage at humigi’t kumulang 50 kabahayan ang tinupok ng apoy samantala inaalam pa ang halaga ng napinsalang mga ari-arian at kung ano ang pinagmulan ng sunog.
Naging malungkot ang pagsalubong ng Bagong Taon ng ilang pamilya na naapektohan ng sunog na pansamantalang nanunuluyan sa NBBN covered court at sa kanilang mga kaanak. (ROMMEL SALES)