RATED R
ni Rommel Gonzales
TIYAK na hindi nagsisisi si direk Lino Cayetano sa kompromiso niya na isuko ang politika at muling harapin ang showbiz.
Nanalo ng mga parangal ang Nanahimik Ang Gabi, pelikulang ipinrodyus niya at ni Philip King ng Rein Entertainment Productions.
Wagi ang Nanahimik Ang Gabi bilang Best Musical Score (Greg Rodriguez III), Best Production Design, Best Supporting Actor para kay Mon Confiado, Best Actor para kay Ian Veneracion (na napili rin bilang Male Star Of The Night), at ang pelikula mismo ay hinirang bilang 3rd Best Picture.
Sa recent na pakikipag-usap namin kay Lino ay naikuwento niya ang ukol sa kompromiso ng Nanahimik Ang Gabiat siya man ay may nagawang kompromiso sa buhay.
“Ako, very much! Ito lang pagtayo ng kompanya napakalaking bagay ‘coz I love my work in ABS-CBN, I love working for ABS.
“‘Yung decision na magtayo ng sariling kompanya para gawin naman ‘yung mga bagay na gusto ko, nagkaroon ng malaking kompromiso.
“Unang-una na-stuck ako sa pagpo-produce, eh direktor naman talaga ako, eh. So natutunan ko ‘yun.
“Pangalawa ‘yung pagpasok ko naman sa politika. Hindi naman siya kompromiso pero ‘yung isa rin na trabaho na mahal ko iniwan ko para sa isang trabahong mahal ko rin, ‘yung makatulong sa mga kapwa ko Taguigeño.”
Taong 2010 ay nahalal na baranggay captain si Lino sa Taguig, 2013 naman ay nanalo siyang Congressman sa 2nd District ng Taguig, at 2019 hanggang 2022 ay umupo siya bilang Mayor din ng nasabing lugar.
Sa mga panahong iyon ay tinalikuran muna ni Lino ang pagiging direktor at ang showbiz.
“Laging may kompromiso, sa oras, sa pamilya, sa trabaho, sa relasyon,” sabi pa niya.
Ang Nanahimik Ang Gabi ay pinagbibidahan rin ni Heaven Peralejo at palabas sa mga sinehan hanggang January 7.