ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
AMINADO si Tiffany Grey na hindi niya inaasahan na mapapasali siya sa pelikulang My Father, Myself na entry sa Metro Manila Film Festival 2022 (MMFF).
Sobrang pressure raw nang nalaman ni Tiffany na si Direk Joel Lamangan ang direktor nito at ang casts ay pawang magagaling na pinangungunahan nina Jake Cuenca, Dimples Romana, at Sean de Guzman.
Kuwento ni Tiffany, “Ito ang pinakamalaking role na natoka po sa akin. Kaya sobrang malaking opportunity ito para sa akin. Itinuturing ko pong biggest break ko itong movie na My Father, Myself. Proud po ako sa pelikulang ito and sobrang happy ko na nakapasok kami sa MMFF.
“Sobrang bigat po sa akin nitong movie, thankful ako dahil marami po akong natutuhan sa pelikulang ito. Kasi, second movie ko na po ito kay Direk Joel, una ay ‘yung sa Fall Guy na si Sean din po ang bida.”
Nabanggit pa ni Tiffany na bigay-todo siya sa dapat gawin para sa ikagaganda ng kanilang pelikula.
“Talagang ibinigay ko ang best ko, hindi lang sa love scenes kundi sa mga dramatic scene ng movie dahil alam ko pong magagaling ang mga kasama ko rito at si Direk Joel pa ang direktor namin,” pakli ng aktres.
Ang My Father, Myself ay mula sa panulat ni Quinn Carrillo at under ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo at Mentorque Productions ni Bryan Dy. Kabilang din sa producers ng pelikula sina Win Salgado, Jumerlito P. Corpuz, at Nicanor C. Abad.